181 total views
Pasasalamat at pagbabalik sa biyayang natanggap nang walang hinihintay na kapalit.
Ito ang inihayag ni Ms. Universe 2015 Pia Alonzo Wurtzbach na personal na ibinigay ang donasyon kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa Arsobispado Manila.
“We are all doing this out of pure love and in good faith and asking for nothing in return…but just giving back because we feel that we are very blessed,” ayon kay Wurtzbach.
Isasagawa rin sa bansa ang Miss Universe Pageant 2016.
Ang donasyon ay kabilang sa isasagawang Caritas Manila’s Celebrity and Friends Pre-loved Luxury Brands Bazaar na gaganapin sa ika-13- 14 ng Disyembre sa Glorietta 5, Attrium, Ayala Center Makati.
Ang makakalap na pondo ng Caritas Celebrity Bazaar ay nakalaan sa programa ng Caritas-Youth Servant Leadership and Education Program.
Mahigit sa 5 libong kabataan ang scholar ng Caritas-YSLEP sa kolehiyo mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Ayon sa 2013 survey ng Functional Literacy, Education and Mass Media Survey ng Philippine Statistics Authority-sa kabuuang 36 milyong Filipino na nasa edad 6 hanggang 24 na gulang- isa lamang sa 10 o 4 na milyong kabataan ang hindi nag-aaral at hindi nakakapag-tapos ng pag-aaral sa high school.
Nagpapasalamat naman si Caritas Manila Executive Director Fr. Anton CT Pascual sa lahat ng mga Filipino artist na nagbahagi ng kanilang pre-loved items para makatulong sa pangangalap ng pondo sa mga YSLEP scholars.
“The proceeds of this Celebrity Bazaar will help a lot in order to educate the poor towards a better future,” ayon kay Fr. Pascual.
Sa isang pahayag ng Santo Papa Francisco, bukod sa edukasyon mahalaga ring mamulat sa tamang pag-uugali ang mga kabataan na siyang magiging gabay sa kanilang pagharap bilang mabuting mamamayan ng lipunan.