514 total views
Mga Kapanalig, nabalitaan ninyo siguro ang sunud-sunod na mga kontrobersiya tungkol sa 49 milyong pisong kampanya ng Department of Tourism (o DOT).
Noong nakaraang buwan, inilunsad ng DOT ang tourism campaign nito, kasama ang bagong slogan upang makaakit ng mga turista sa bansa: “Love the Philippines.” Umani ito ng magkakaibang reaksyon. May mga natuwa sa rebranding ngunit mayroon ding nadismaya sa bagong slogan na anila’y wala raw dating. May mga nagsabi ring kapareho ito sa mga slogan ng ibang bansa na “Love Barbados” at “Love Cyprus”, o kaya sa “Live Love Liloan” kung saan naging alkalde ng munisipalidad si DOT Secretary Christina Frasco.
Matapos ang ilang araw, inulan naman ng batikos ang promotional video na inilabas ng DOT. Gumamit ito ng stock footage na nagpapakita ng mga tanawin sa Thailand, Indonesia, at United Arab Emirates. Inako naman ng advertising agency na DDB Philippines ang responsibilidad at humingi ng paumanhin sa pagkakamali. Sinabi rin ng agency na walang pondo ng gobyerno ang ginamit sa paggawa ng naturang video. Nagalit at nadismaya ang DOT kaya tinapos nito ang kontrata sa DDB Philippines. May mga nagkomentong tila naghugas-kamay ang DOT sa kapalpakan ng video na inaprubahan nito.
Hindi rito natatapos ang kontrobersyang kinaharap ng kagawaran. Muling lumitaw ang social media post ng Minister of State for Culture of Singapore sa 26th ASEAN Tourism Forum na ginanap sa Indonesia noong Pebrero. Sa social media post, makikita ang pagbigay ni Secretary Frasco ng souvenir sa opisyal ng Singapore. Laman nito ang kilalang biskwit mula Cebu na produkto ng family business ng kanyang asawang kongresista. Katulad ng mga bagay na ipinamimigay ng mga pulitiko, nakalagay sa pasalubong na tinanggap ng opisyal ng Singapore ang litrato ng mag-asawang Frasco. Hindi ba ito nakakahiya? Hindi lang pala tourist destinations ng ibang bansa ang pino-promote natin sa mundo. Pati ang ”epal” na kaugalian ng mga tinatawag na traditional politician, ipinangangalandakan na rin natin.
Sa salitang kolokyal, tinatawag na “epal” ang taong umaagaw ng atensyon o lantarang gumagawa ng self-promotion nang wala sa lugar. Noong 2021, isinama na ang anti-epal na probisyon sa national budget. Sa ilalim ng probisyong ito, pinagbabawalan ang mga opisyal ng gobyerno sa pag-promote ng kanilang sarili sa pamamagitan ng paglagay ng pangalan o litrato nila sa mga programa, proyekto, o anumang inisyatibong pinondohan ng pamahalaan. Nanggaling kaya sa pondo ng bayan ang ibinigay na souvenir ni Secretary Frasco? Maliban dito, hindi maikakailang ginamit niya ang posisyon sa gobyerno upang i-promote ang kanilang negosyo sa isang opisyal na okasyon. Malinaw na conflict of interest ito.
Sinasabi sa mga panlipunang turo ng Simbahang tungkulin ng mga opisyal ng gobyerno, bilang mga lingkod-bayan, ang pagtataguyod ng katapatan, integridad, at kabutihang panlahat o common good. Hindi nila dapat inaabuso ang kapangyarihang tangan nila para sa pansariling interes. Hindi rin nila dapat tinatakasan ang accountability sa panahon ng kagipitan. Wika nga ni Pope Francis sa Laudato Si’, ang tunay na lingkod-bayan ay maprinsipyo at itinataguyod ang kabutihang panlahat kahit sa harap ng mga hamong kaakibat ng kanilang pagseserbisyo.
Mga Kapanalig, ang mensaheng “Love the Philippines” ay hindi lang nakatuon sa mga dayuhan na iniimbitahang bumisita sa Pilipinas. Nakadirekta rin ito sa atin bilang mga mamamayan. Higit pa sa pagtangkilik sa mga destinasyon sa bansa, ipakita natin ang pagmamahal sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagiging mapagmatyag sa mga tiwaling gawain at ng pagpapanagot sa mga lingkod-bayan. Katulad nga ng mensahe sa Mga Kawikaan 29:4, ang bayan ay matatag kung ang mga nasa poder ay makatarungan, ngunit ito ay mawawasak kung ang pansariling interes nila ang mangingibabaw.
Sumainyo ang katotohanan.