1,746 total views
Iginiit ng Diocese of Legazpi na ang imahe ng Panginoong Hesus, mga awitin at sacred symbols ay mahahalagang bagay sa kristiyanong pananampalataya.
Ayon kay Bishop Joel Baylon dapat na bigyan ng ibayong pagpapahalaga at paggalang ang mga bagay tungkol sa Panginoon at pananampalataya.
“They should never be treated as mere objects of amusement or entertainment. They deserve our deepest reverence and respect,” bahagi ng pahayag ni Bishop Baylon.
Ito ang tugon ng obispo tungkol sa viral drag performance ni Pura Luka Vega na inaawit ang Ama Namin sa isang party habang nakasuot ng damit ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Binigyang diin ni Bishop Baylon na ang pagpalapastangan sa mga bagay na may kaugnayan sa Panginoon ay tahasang pambabastos sa Diyos.
“Freedom does not grant individuals the license to do whatever they please in the name of expressing their conscience. Freedom entails responsibility, and my freedom ends where another person’s rights begins,” giit ni Bishop Baylon.
Hamon ng obispo sa mga mamamayan na mayorya ang mga katoliko na igalang ang mga sagradong kagamitan ng simbahan tulad ng Bibliya, mga imahe, kasuotan gayundin ang mga pook tulad ng simbahan at kapilya.
Umaasa ang opisyal na maging aral sa bawat isa ang pangyayari upang mas tutukan ang pagpapalalim sa pananampalataya at mga kaugnay na bagay na angkop sa mga pagdiriwang.