1,421 total views
Gawing huwaran ang Mahal na Birheng Maria upang mapalalim ang pananampalataya sa Panginoong Hesukristo.
Ito ang panghihimok ni Father Douglas Badong-parish priest ng Nuestra Señora Dela Soledad Parish sa paggunita ng ika-14 pagkakakatatag ng parokya kasabay ng pagdaraos ng Manila Grand Marian Procession.
Ayon sa pari na katulad ni Maria, nawa ang bawat mananampalataya ay magsilbing larawan ng pagsunod, pagmimisyon at pagmamahal sa Diyos.
“Kayat panawagan natin bilang mga deboto ng Mahal na Birhen, ito yung pamamaraan ng pag-express nila pagdedebosyon pero ‘yun nga gaya ng nasabi ko ang debosyon na ito ay dapat magdala sa atin sa mas malalim na pananampalataya kay Kristo,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr. Badong.
Giit pa ng pari, nawa sa pagtanggap ng bawat isa sa biyaya ng Panginoon ay huwag kalimutan ng mananampalataya ang pagpapaigting ng kanilang paglapit sa Diyos na kailanman ay hindi tinalikuran ng Panginoon.
Paalala pa ni Fr.Badong na huwag mangamba sa mga pagsubok na mararanasan sa buhay sapagkat laging sinasamahan ng Panginoon ang mga mananampalataya sa kanilang paglalakbay sa buhay.
“Ito pong gawaing ay hindi lang prusisyon kungdi ito po ay humihikayat sa lahat na lumapit sa Mahal na Birhen dahil ang Mahal na Birhen, ang role niya ay mailapit tayo sa Panginoon na inaakay tayo sa pamamagitan ng ibat ibang larawan, ibat ibang titulo at imahen ng Mahal ba birhen, ito nawa ay makatulong sa mga tao na matanggap yung biyayaya mula sa Panginoon,” dagdag pa ng pari.
Sa pagdaraos ng Manila Grand Marian Procession na pinangasiwaan ng Parokya may 59-imahen ng Mahal na Birheng Maria ang nakilahok sa gawain na mula sa ibat-ibang mga parokya sa Arkidiyosesis ng Maynila at ilan pang Diyosesis.