4,547 total views
Inihayag ni Antipolo Bishop-designate Ruperto Santos na palalakasin ang debosyon ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang pamamahala sa diyosesis.
Ayon sa Obispo, bilang tahanan ng International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage – ang kauna-unahang international shrine sa Pilipinas ay nararapat na isulong ang higit na pagdedebosyon sa Mahal na Ina na gagabay tungo sa landas ng Panginoong Hesus.
“Maging center ng cultural, theological at Marian conferences and congresses ang Antipolo para mas lumawak at lumalim ang debosyon sa Mahal na Birhen,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
May 24, 2023 ng italaga ni Pope Francis si Bishop Santos na kahalili kay Bishop Francis De Leon makaraang magretiro nang maabot ang mandatory retirement age.
Unang hiniling ni Bishop Santos sa mananampalataya ang panalangin para sa bagong misyon na iniatang simbahan sa kanyang pagiging pastol lalo’t batid nito ang mga kaakibat na responsibilidad at hamong kakaharapin.
“Please help me with your prayers, remember me always at the altar of our Lord. Intercede me to our Blessed Mother Mary that my episcopal ministry be like her: peace, good and full of grace,” saad pa ni Bishop Santos.
Nakatakda sa July 22, 2023 sa alas 10 ng umaga ang pagluluklok kay Bishop Santos sa Antipolo Cathedral na pangungunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown.
Dadalo din sa installation ni Bishop Santos ang iba pang mga obispo na kasapi ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
April 2010 nang italagang obispo si Bishop Santos sa Diocese of Balanga kasunod ng pagiging Rector ng Pontificio Collegio Filippino sa Roma.
Makalipas ang isang dekada pangangasiwaan naman ng obispo ang mahigit tatlong milyong mananampalataya ng Diocese of Antipolo na may mahigit 70 mga parokya na binubuo ng Marikina City at buong lalawigan ng Rizal.
Bukod sa 200 mga pari katuwang ni Bishop Santos sa pagpapastol ng diyosesis si Auxiliary Bishop Nolly Buco kasama sina Bishop De Leon at Bishop Gabriel Reyes na pawang retiradong obispo.