3,572 total views
Inaanyayahan ng Radio Veritas at Caritas Manila ang mamamayan lalu na ang mga Kapanalig na makibahagi sa Youth Servant Leadership Education Program (YSLEP) telethon sa ika-31 ng Hulyo 2023.
Mapapakinggan ng live sa Radio Veritas 846AM at mapapanood sa Skycable channel 211, Cignal cable 213, Veritas FB page at DZRV youtube channel ang YSLEP telethon mula ala-siete ng umaga hanggang alas-sais(6PM) ng gabi.
Layon ng YSLEP telethon na makalikom ng limang(5)-milyong piso na gagamiting pondo para sa pagpapaaral ng 5-libong YSLEP scholars ng Caritas Manila sa buong bansa.
“Building a humane future through servant leadership” ang tema ng 2023 YSLEP telethon.
“As we approach School year 2023-2024, we are appealing to your kind and generous hearts in order to support YSLEP Scholars para masurpotahan sila sa kanilang pag-aaral, we also invite you na suportahan ang YSLEP Telethon sa darating na July 31 2023,”panawagan sa Radio Veritas ni Ms. Rye Zotomayor, Financial Stewardship Division Head ng Caritas Manila.
Noong 2022, umabot sa 111.7-milyong piso ang pondong nailaan ng Caritas Manila sa pag-aaral ng 5,421-YSLEP scholars sa ibat-ibang bahagi ng Pilipinas.
Ipinagmamalaki ng Caritas Manila na 1,695 scholars ang napabilang sa 2022 graduates kung saan 140 ang Cum Laude, 54-ang Magna Cum Laude at anim Summa Cum Laude.
Ibinahagi ni Father Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila na sa mahigit 5-libong YSLEP scholars ay mahigit sa isang libo ang kumukuha ng kurso sa agrikultura.
Sinabi ni Fr.Anton na isa sa misyon ng Caritas Manila na makaambag sa mithiin ng pamahalaan na magkaroon ng food security at paglago ng ekonomiya ng bansa.