3,703 total views
Ikinagalak ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) ang naging desisyon ng International Criminal Court (ICC) na nagbabasura sa apela ng gobyerno ng Pilipinas upang itigil ang pag-iimbestiga sa marahas na war on drugs sa bansa.
Ayon sa human rights group, naaangkop lamang ang paninindigan ng ICC upang bigyang katarungan ang lahat ng mga biktima ng ‘war on drugs’ ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“The Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) welcomes the decision of the International Criminal Court Appeals Chamber in rejecting the appeal of the Philippine government to cease its investigation into the “war on drugs” waged by former President Rodrigo Duterte’s administration.” bahagi ng pahayag ng PAHRA.
Sinabi ng PAHRA na ang naging desisyon ng ICC ay maituturing na isang panalo para sa mga pamilya na naulila ng war on drugs na matagal ng naghahangad ng katarungan.
Naniniwala din ang PAHRA na kaakibat ng nasabing desisyon ng International Criminal Court (ICC) ang isang matibay na mensahe at paalala sa kaakibat na kaparusahan ng paglabag sa karapatang pantao sa lipunan.
“The decision is another significant victory for the victims of the drug war killings in seeking justice and for the ICC’s efforts to hold perpetrators of crimes against humanity accountable. It also sends a strong message to governments around the world that they cannot violate international law with impunity.” Dagdag pa ng PAHRA.
Matatandaang Enero ng kasalukuyang taon ng unang binigyan ng awtorisasyon ang pagpapatuloy sa imbestigasyon makaraang madismaya ang ICC sa ginagawang inisyatibo ng gobyerno ng Pilipinas na sariling imbestigasyon sa libu-libong kaso ng pagpatay dulot ng kampanya sa iligal na droga.
Sa opisyal na tala ng pamahalaan aabot lamang sa 6,200 ang nasawi sa mga isinagawang police operations sa ilalim ng nakalipas na administrasyong Duterte, na taliwas sa tala ng mga human rights groups sa bansa na aabot sa 20,000 hanggang 30,000.