1,324 total views
Inaasahan ng Church People – Workers Solidarity (CWS) na matatalakay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang pagpapabuti sa kalagayan ng mga manggagawa sa kanyang ikalawang State of the Nation Address.
Ayon kay Father Noel Gatchalian – CWS National Capital Region Chairman, hindi pa rin natutugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo habang mababa ang sahod ng mga manggagawa.
Panalangin pa ng Pari sa kabila ng tuluyang pagsasabatas ng Maharlika Investment Fund ay magkaroon ng moral compass ang mga mambabatas.
Patuloy din ang pananawagan ng Church People – Workers Solidarity kasama ang iba pang labor groups na sundin ang Family living wage na aabot sa 1,160-pesos kada araw.
“Isa nawa sa tatalakayin ay ang pagtutol sa Maharlika Fund na benepisyo sa cronies ni PBBM at hindi sa mga naghihikahos na Pilipino, sana ay itaas ang sahod at ibaba ang presyo ng pagkain.” ayon sa mensaheng ipinadala sa Radio Veritas ni Father Gatchalian.
Sa araw naman ng SONA ay magkakaroon ng ibat-ibang pagkilos protesta ang mga progresibong grupo upang ipinananawagan sa Pangulo at pamahalaan ang kanilang mga apela upang makamit ang katarungang panlipunan.