294 total views
Isa sa pinaka-patok na pagkakitaan ngayon, kapanalig, ay ang pagiging freelancer o pagiging bahagi ng gig economy. Dumadami na nga ang mga Pilipinong sumasabak sa ganitong uri ng trabaho. Tinatayang mga 1.5 milyong Pilipino na ang nagtatrabaho bilang freelancers sa atin ngayon. Sa kabila ng dami nila at ng mga pagkakataon na dala nito, mayroon pa ring mga hamon ang kailangang harapin at solusyunan.
Ang freelancers at gig workers ay mga indibidwal na nagtatrabaho ng malaya at kadalasang naka kontrata o project-based. Hindi sila mga regular na empleyado gaya ng mga tauhan sa mga kumpanya o sa gobyerno. May kalayaan silang mamili ng mga proyekto at kliyente. Kadalasan flexible ang ganitong uri ng trabaho, na isa mga sa pangunahing rason bakit marami ang pumipili nito. May kontrol sila sa kanilang oras at kaya pang makakuha ng mas maraming kontrata o proyekto.
Dahil sa gig economy, maraming Pilipino ang nagkaroon ng pagkakakitaan. Nagbukas ito ng maraming oportunidad, hindi lamang para sa pagkakakitaan, kundi pati sa pagsasanay, sa pagbubukas ng bagong larangan o karera para mga kababayan natin, at pakikipag-networking. Nagbigay daan ito sa mga Filipino na makapaghanap ng trabaho kahit anong edad, tapos man o hindi. Nakatulong ito sa maraming mga magulang na kumita kahit nasa bahay lamang.
Gayunpaman, maraming isyu ang hinaharap ang ating mga freelancers at gig workers. Isa sa mga pangunahing hamon ay ang kawalan ng seguridad sa trabaho. Isa sa mga pangunahing hamon ay ang kakulangan ng seguridad sa trabaho. Dahil hindi regular na empleyado, may hangganan ang kanilang kontrata o proyekto. Matapos ang ilang buwan, o ilang linggo pa nga, kailangan na nila maghanap ng iba pang kliyente o proyekto para pamalit. Wala rin silang mga benepisyo gaya ng social security, health insurance, o iba pang benepisyo, gaya ng natatanggap ng regular na empleyado, tulad ng Christmas bonus at 13th month pay. Ang kakulangan din sa proteksyon sa trabaho at minsan pati sa compensation o sweldo ay isa rin sa mga mahalagang isyung kinakaharap ng mga freelancers.
Bukod pa dito, wala ring organisasyon o institusyong nakatutok sa gig economy at mga freelancers. Walang nagtatanggol ng kanilang mga karapatan, kaya maraming mga pagkakataon kung saan maraming mga workers dito ay sobrang liit ng mga sweldo at sobrang bigat ng mga trabaho. Kailangang masiguro natin, kapanalig, na mayroong tamang sistema na magbibigay proteksyon sa kanilang mga interes at nagtatakda ng tamang pamantayan sa trabaho at nagbibigay-proteksyon sa kanilang mga interes. Kailangan din pahalagahan ang kanilang kontribusyon sa ekonomiya. Sabi nga sa Sacramentum Caritatis, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan, work is of fundamental importance to the fulfillment of the human being and to the development of society. Thus, it must always be organized and carried out with full respect for human dignity and must always serve the common good.
Sumainyo ang Katotohanan.