1,852 total views
Umaasa ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na mas palawakin ng mga lider ng bayan ang pagninilay sa kanilang pamamahala sa bayan.
Ayon kay CBCP Office on Stewardship Chairman, Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo mahalagang magkaroon ng discernment ang mga opisyal ng lipunan upang maiwasan ang anumang katiwalian.
Nangangamba si Bishop Pabillo sa ipinasang Maharlika Investment Fund na maaring maging ugat ng katiwalian.
“Makikita natin ito sa kaso ng Maharlika Fund. Inaprubahan ba ito upang makatulong sa kaunlaran ng bayan o para may makuha na pondo ang mga namumuno na hindi dumadaan sa checks and balances ng pamahalaan. Baka ang Maharlika Fund ay maging gatasan naman ng mga opisyales.” bahagi ng mensahe ni Bishop Pabillo.
Iginiit ng obispo na makapagninilay lamang ang mga opisyal ng bayan kung makatotohanan ang kanilang hangarin para sa ikauunlad ng nasasakupang mamamayan.
July 18 nang lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.ang Maharlika Investmend Fund Law na layong pataasin ang investment capital ng bansa na makatutulong mapalago ang ekonomiya at makapaglilikha ng mas maraming trabaho para sa bawat Pilipio.
Inaasahan ding maging mapagkukunan ng pondo ang MIF para sa mga proyektong imprastraktura ng gobyerno sa kapakinabangan ng bawat Pilipino tulad ng mga tulay na magdudugtong sa mga lalawigan na magpapabilis sa transportasyon ng kalakalan lalo na sa sektor ng agrikultura.
Gayunpaman sinabi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na may ilang grupo na ang nakipag-ugnayan sa kanyang tanggapan upang maghain ng petisyon sa Korte Suprema laban sa MIF law.
Una nang inihayag ni National Union of Peoples Lawyers secretary general Kristina Conti na nakipag-ugnayan ito sa Makabayan bloc ng kongreso upang gumawa ng hakbang laban sa nilagdaang Maharlika Investment Fund Law.