3,900 total views
Nakiisa ang Archdiocese of Manila sa karanasan ng mga biktima ng bagyong Egay na nanalasa sa malaking bahagi ng Luzon.
Umapela si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa mamamayan na magkaisang tumugon sa pangangailangan ng mga apektadong residente lalo na sa pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at malinis na inuming tubig.
Inatasan ng cardinal ang mga parokya ng arkidiyosesis na magsagawa ng second collection sa mga misa sa Sabado, July 29 at Linggo, July 30 upang makalikom ng pondo para ipamahagi sa mga apektadong diyosesis.
“As we offer our prayers and sacrifices for the victims of typhoon Egay, we will help our brothers and sisters in alleviation of their sufferings,” bahagi ng mensahe ni Cardinal Advincula.
Ang malilikom na donasyon ng mga parokya ay dadalhin sa Accounting Office ng Arzobispado de Manila hanggang August 4.
Naglandfall ang bagyong Egay sa bahagi ng Cagayan Province na sakop ng Archdiocese of Tuguegarao na nagdulot ng mga pag-ulan sa Northern Luzon kaya’t inilikas ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan ang mahigit sampung libong katao na naninirahan sa coastal areas.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) 13 national roads sa Northern Luzon ang isinara sa publiko para sa kaligtasan, lima ang nasawi habang ilang indibidwal din ang nasugatan.
Una nang nag-alay ng panalangin ang mga obispo para sa kaligtasan ng mamamayan lalo na sa mga lugar na malakas ang buhos ng ulan at pagbugso ng hangin.
Nakipag-ugnayan na rin ang Caritas Manila sa mga apektadong diyosesis para sa relief operations at agad na makapagbigay ng tulong sa mga naapektuhang mamamayan.