2,941 total views
Suportado ng mga mambabatas ang panawagan ni Senator Risa Hontiveros sa Department of Foreign Affairs na gumawa ng resolusyon upang mapigilan ang China sa pagpasok sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri makatutulong ang isang resolusyon na ihahain ng DFA sa United Nation General Assembly upang mapagtibay ang paninindigan ng Pilipinas sa pag-aaring mga isla.
Inihain ni Hontiveros ang Senate Resolution No. 659 upang mapangalagaan ang karapatan ng bansa sa WPS lalo na ang mga Pilipinong mangingisda na tinutugis ng Chinese Coast Guard.
Iginiit ni Zubiri na hindi pahihintulutan ng mga lider ng bansa na maisantabi ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong 2016 sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na pabor sa Pilipinas hinggil sa pinag-aagawang teritoryo kabilang na ang nine-dash line.
“Should we successfully pass a resolution before the UNGA, we will in effect be solidifying international support for the sovereignty of the Philippines, and putting pressure on China to keep their military and political activities outside of our Exclusive Economic Zone and continental shelf,” bahagi ng pahayag ni Zubiri.
Ibinahagi ni Zubiri na makipagpulong ito kay DFA Secretary Enrique Manalo, Presidential Adviser on the West Philippine Sea Andres Centino at mga opisyal ng National Security Council upang talakayin ang kasalukuyang sitwasyon sa WPS gayundin ang laman ng babalangkasing Resolution No. 659.
Tiniyak din ng mambabatas na gagawa ito ng hakbang upang mabigyan ng sapat na pondo ang mga nangangalaga sa nasasakupang teritoryo tulad ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard.
“We will not simply watch them seize our islands and our waters. We may not have as much military might as they do, at this time, but we will do everything in our power to strengthen support for our Coast Guard and Navy, and we will stand our ground through all means possible,” giit ni Zubiri.
Samantala nanindigan si Hontiveros na nararapat protektahan ang nasasakupang karagatan sapagkat sa datos ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources mahigit sa 300-libong metriko tonelada ang yamang dagat na nakuha sa lugar noong 2020 o katumbas ng pitong porsyento sa kabuuang produksyon.
Bukod pa rito ang energy resources na ayon sa US Geological Survey Report ay nasa 28 billion barrels ng langis at 266 trillion cubic feet ng natural gas lalo sa Recto bank at sa loob ng Exclusive Economic Zone.
Kaisa rin ang simbahang katolika sa pananawagang manindigan laban sa China sa usapin ng West Philppine Sea at igiit ang karapatan ng bansa sa pinag-aagawang isla sa kapakinabangan ng bawat mamamayan.