1,839 total views
Patuloy ang isinasagawang assessment ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kaugnay sa lumubog na bangka sa Binangonan, Rizal sa bahagi ng Laguna de Bay.
Ayon kay NDRRMC deputy spokesperson Diego Mariano, kasulukuyang tinitiyak ng ahensya kung mayroong kaugnayan ang sama ng panahong dala ng Bagyong Egay sa insidente.
“Incident is still for validation whether it is related to TC Egay as there is no Tropical Cyclone Wind Signal raised in the area when the incident occurred,” pahayag ni Mariano.
Batay sa huling ulat ng Binangonan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, 27 ang kumpirmadong nasawi dahil sa pagkalunod nang lumubog ang sinasakyang bangka lulan ang higit 60 pasahero.
Umaabot na sa higit 500-libong indibidwal o 141-libong pamilya ang apektado ng pananalasa ng Bagyong Egay sa buong bansa lalo na sa hilagang bahagi ng Luzon.
Sa huling ulat ng NDRRMC, 29-libong katao o halos 8,900 pamilya ang mga nagsilikas sa 479 na evacuation centers.
Nasa 13 naman ang kabuuang bilang ng mga nasawi, 12 ang sugatan, habang 20 ang naiulat na nawawala.
Umabot naman sa P58-milyong piso ang kabuuang halaga ng pinsala sa agrikultura, at P656-libo naman sa imprastraktura.
Una nang nangako ng pagtulong ang Caritas Manila para tugunan ang pangangailangan ng mga apektadong indibidwal sa Northern Luzon.