3,214 total views
Paggunita kay San Alfonso Maria ng Ligouri,
Obispo at Pantas ng Simbahan
Exodo 33, 7-11; 34, 5b-9. 28
Salmo 102, 6-7. 8-9. 10-11. 12-13
Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.
Mateo 13, 36-43
Memorial of Saint Alphonsus Liguori, Bishop and Doctor of the Church (White)
Mga Pagbasa mula sa
Martes ng Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Exodo 33, 7-11; 34, 5b-9. 28
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon, nakaugalian na ni Moises na ang tabernakulo’y itayo sa isang lugar na malayu-layo sa kampo; tinawag iyong Dakong Tipanan ng Diyos at ng mga tao. Doon pumupunta ang sinumang nais sumangguni sa Panginoon. Tuwing papasok doon si Moises, ang mga Israelita’y tumatayo sa pintuan ng kanilang tolda at tinitingnan siya hanggang sa siya’y makapasok. Kapag nasa loob na si Moises, bumababa naman sa may pinto ng Toldang Tipanan ang haliging ulap at mula roo’y makikipag-usap sa kanya ang Panginoon. Kapag nakita ng mga Israelita na nasa pintuan ng tolda ang haliging ulap, lumalagay naman sila sa pintuan ng kanilang tolda at yumuyuko. Ang pakikipag-usap ng Panginoon kay Moises ay tuwiran, tulad ng pakikipag-usap sa kaibigan. Pagkatapos, si Moises ay bumabalik na sa kampo ngunit naiiwan sa tolda si Josue, ang katulong niya.
Ang Panginoon ay bumaba sa ulap, lumagay sa tabi ni Moises at binanggit ang kanyang pangalan: Panginoon.
Ang Panginoon ay nagdaan sa harapan ni Moises. Sinabi niya, “Akong Panginoon ay mapagmahal at maawain. Hindi ako madaling magalit; patuloy kong ipinadarama ang aking pag-ibig at ako’y nananatiling tapat. Tinutupad ko ang aking pangako maging sa libu-libo, at patuloy kong ipinatatawad ang kanilang kasamaan, pagsalangsang at pagkakasala. Ngunit hindi ko pinalalampas ang kasalanan ng ama at ang pagpaparusa ko’y hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.”
Nanikluhod si Moises at sumamba sa Panginoon. Sinabi niya, “Kung talagang kinalulugdan ninyo ako, isinasamo kong samahan ninyo kami kahit na matigas ang ulo ng lahing ito. Patawarin na ninyo kami at tanggapin bilang inyong bayan.”
Si Moises ay apatnapung araw at apatnapung gabing kasama ang Panginoon, hindi kumakain o umiinom. Isinulat niya sa mga tapyas na bato ang mga tuntunin ng tipan, ang sampung utos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 6-7. 8-9. 10-11. 12-13
Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.
Ang Poon ay humahatol, ang gawad ay katarungan;
natatamo ng inapi ang kanilang karapatan.
Ang balangkas niya’t utos kay Moises ibinilin;
ang kahanga-hangang gawa’y nasaksihan ng Israel.
Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.
Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos,
kung magalit ay banayad, kung umibig nama’y lubos.
Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim;
yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim.
Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.
Kung siya ay magparusa, di katumbas ng pagsuway;
di na tayo siningil sa nagawang kasalanan.
Ang agwat ng lupa’t langit, sukatin ma’y hindi kaya,
gayun ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.
Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.
Ang silangan at kanluran kung gaano ang distansya
gayung-gayun ang pagtingin sa sinumang nagkasala.
Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya
gayun siya nahahabag sa may takot sa kanya.
Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Salita ng D’yos ang buto
na tanim ni Hesukristo
upang tumubo sa tao.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 13, 36-43
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, iniwan ni Hesus ang mga tao at pumasok sa bahay. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag po ninyo sa amin ang talinghaga tungkol sa masasamang damo sa bukid.” Ito ang tugon ni Hesus, “Ang Anak ng Tao ang naghahasik ng mabuting binhi. Ang bukid ay ang sanlibutan. Ang mga taong pinaghaharian ng Diyos ang mabuting binhi at ang mga taong pinaghaharian ng diyablo ang masasamang damo. Ang kaaway na naghasik ng mga iyon ay walang iba kundi ang diyablo. Ang pag-aani ay ang katapusan ng daigdig, at ang mga anghel ang mga tagapag-ani. Kung paanong iniipon ang mga damo at sinusunog, gayun din ang mangyayari sa katapusan ng daigdig. Susuguin ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel, at iipunin nila mula sa kanyang pinaghaharian ang lahat ng nagiging sanhi ng pagkakasala at ang lahat ng gumagawa ng masama, at ihahagis sa maningas na pugon. Doo’y mananangis sila at magngangalit ang kanilang ngipin. At magliliwanag na parang araw ang mga matuwid sa kaharian ng kanilang Ama. Ang may pandinig ay makinig!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Tinuruan tayo ni Kristo kung paano tayo makapapasok sa Kaharian ng Langit. Idalangin natin ang pagdating ng Kaharian ng Langit dahil nababatid nating sumasaatin ang Espiritu Santo na nagpapatnubay sa ating mga panalangin.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng kabutihan, gawin mo kaming ganap sa iyong pamamaraan.
Ang mga lingkod ng Simbahan nawa’y tumalima sa kalooban ng Diyos at asamin ang kabutihan ng kanilang pinaglilingkuran, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinagkatiwalaang magdulot ng katarungan at maisakatuparan ang mga batas nawa’y tumingin kay Kristo bilang bukal ng karunungan, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y maghintay sa panahon ng pag-aani ng Diyos at huwag tayong manghusga ng ating kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga matatanda nawa’y ating maalalayan sa pamamagitan ng ating pagiging maalalahanin at palakaibigan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namatay nawa’y tipunin ng Diyos bilang ani ng Kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon ng Langit at lupa, pakinggan mo ang mga hinaing ng iyong bayan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.