1,244 total views
Inaasahan ng isang opisyal ng Simbahan na tuparin ng pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bigyang prayoridad ang pag-unlad ng sektor ng agrikultura sa bansa.
Ito ang mensahe at pagkilala ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari sa pagsusulong ng Pangulo sa higit pang pagpapabuti sa kalagayan ng agrikultura sa kaniyang ikalawang State of the Nation Address.
Ayon sa Obispo, sa pamamagitan ng hakbang ay maisusulong sa bansa ang food security.
“Ako ay natutuwa sa pagtukoy ng Presidente na binibigyan niya ng priyoridad ang agrikultura sa kanyang pamumuno, sa aking palagay ito lang ay nararapat upang bigyan ng inspirasyon at ng lahat ng tulong na kailangan ng ating mga magsasaka upang patuloy na makapagbigay ng “food security” sa ating bansa,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
Ipinagdarasal ng Obispo na gamiting inspirasyon ng mamamayan ang mensahe ng Pangulo upang higit na makiisa sa sektor ng agrikultura at higit pang maisulong ang pagpapabuti sa kalagayan ng sektor.
Ipinagmalaki ng pangulong Marcos sa kanyang SONA ang pamamahagi ng mga modernong kagamitan at pagtuturo ng agham sa mga magsasaka’t mangingisda.
Aabot narin sa mahigit 600-kilometro ng Farm to Market Roads ang naitayo sa unang taon ng kanyang pamumuno.