1,830 total views
Naipadala na ng social arm ng Archdiocese of Manila ang paunang tulong para sa mga biktima ng pananalasa ng Bagyong Egay sa Cagayan.
Ayon kay Tuguegarao Social Action director Fr. Andy Semana, ang natanggap na P200,000 tulong mula sa Caritas Manila ay ilalaan sa recovery efforts para sa mga nagsilikas na pamilya.
Higit na naapektuhan ng kalamidad ang bayan ng Abulug na umabot sa higit 100 pamilya ang nagsilikas dulot ng pagbaha.
“Ang nabanggit sa akin ng parish priest ay kailangan ng hygiene kits at thermal kits. As in basang-basa raw ‘yung mga gamit ng mga residente doon, walang-wala daw po talagang na-save sa kanilang mga gamit,” pahayag ni Fr. Semana sa panayam ng Radio Veritas.
Pagbabahagi ni Fr. Semana, nalubog sa baha ang tahanan at kagamitan ng mga residente lalo na ng Barangay Dana-Ili.
Dalangin ng pari na matapos ang pananalasa ng Bagyong Egay ay hindi na magdulot pa ng pinsala ang binabantayang Bagyong Falcon na nasa loob na ng Philippine Area of Responsibility.
“Hopefully, hindi malakas itong Bagyong Falcon. Konting ulan lang kasi doon sa Abulug talagang na-o-augment ‘yung baha doon sa kanila kasi isang part lang ‘yung humupa ang tubig,” ayon kay Fr. Semana.
Nagpapasalamat naman ang SAC Tuguegarao sa agarang pagtugon ng Caritas Manila para sa pangangailangan ng mga apektadong residente.
Batay sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), aabot sa higit 8,000 pamilya o 27,000 indibidwal ang apektado ng Bagyong Egay sa Cagayan.
Huli namang namataan ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Service Administration (PAGASA) ang Bagyong Falcon sa silangang bahagi ng Central Luzon at kumikilos pa-kanluran sa bilis na 10 kilometro kada oras.