341 total views
17th Sunday of Ordinary time Cycle A Fil-Mission Sunday
1 Kings 3:5.7-12 Rom 8: 28-30 Mt 13:44-46
Sa ating panahon ngayon, madalas gamitin sa simbahan ang salitang DISCERNMENT. Ano ba ang ibig sabihin nito at bakit natin gagawin ito? Ang discernment ay ang malalim na pagninilay at pagsusuri, sa gabay ng Espiritu Santo, upang malaman ang nararapat gawin ayon sa kalooban ng Diyos. Ito ay ginagawa sa diwa ng panalangin. Hindi bago ang gawaing ito. Matagal na itong ginagamit sa simbahan ngunit ngayon lang pinagkakatuunan ng pansin. Nagsusuri at nagninilay tayo upang maging maayos ang ating desisyon, lalo na sa mahahalagang bagay. Nagdi-discern ako kung ako ba ay tinatawag ng Diyos para magpari o magmadre. Nagdi-discern ako kung papakasalan ko ba ang lalaki o ang babaeng ito. Nagdi-discern ako kung papasok ba ako sa ganitong business o hindi. Nadi-discern ako kung magpapa-opera ba ako sa aking mata o hindi. Gusto nating magdesisyon ng tama. Sa ating pagdi-discern dapat may kabukasan kung ano ang gusto ng Diyos sa atin. Hindi lang ako naghahanap ng gusto ko o ng madali sa akin. Hinahanap natin ang kalooban ng Diyos kasi naniniwala tayo na mahal tayo ng Diyos at mabuti ang kanyang kalooban para sa atin.
Kumbinsido tayo na ginagabayan tayo ng Diyos. Kaya ginagawa natin ang discernment sa diwa ng panalangin. Alam natin na nandiyan ang Espiritu Santo na ibinigay ni Jesus upang dalhin tayo sa katotohanan at katuwiran. Hindi tayo nagmamadali sa ating discernment at hindi tayo nagpapadala sa ating mga damdamin. Kaya hindi tayo nagdedesisyon ng ora-orada, o kung tayo ay galit, o nabubulagan ng pag-ibig o ng inggit. May kabuksan tayo sa gusto ng Diyos at may kahandaan tayo na gawin ang kalooban niya.
Naniniwala tayo sa sinabi ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa na sa lahat ng bagay gumagawa ang Diyos sa mga nagmamahal sa kanya ayon sa kanilang ikabubuti. Kaya hinahanap natin ang kanyang panukala para sa atin. Ginagabayan niya at tinatawag niya ang nagmamahal sa kanya.
Pakinggan natin ang kanyang tawag at ano ang kalooban niya. Maging handa tayong itaya ang lahat upang gawin ang gusto niya. Ito ang ibig sabihin ng dalawang talinhaga niya sa ating ebanghelyo. Noong makita ng dalawang tao ang pinakamahalaga para sa kanila – ang isa ay ang bukid na may kayamanan at ang isa ay ang mamahaling perlas – hindi nag-atubili ang dalawa na itaya ang lahat upang mabili ang mga ito. Ipinagbili ang lahat ng ari-arian nila upang mabili ang bukid at ang perlas. At ginawa nila ito nang masaya. Hindi sila nalungkot na nawala ang kayamanan nila. Mas mahalaga ang binili nila. Ano ba itong bukid na may kayamanan at ang mamahaling perlas? Walang iba kundi ang plano o ang gusto ng Diyos, sa ibang salita, ang kanyang kaharian. Ganoon din ba tayo ka-committed sa kagustuhan ng Diyos? Ang Diyos ba at ang kanyang kaharian ang nauuna sa buhay at concern natin? Handa ba tayong magtaya upang gawin ang kalooban ng Diyos?
Sa ating unang pagbasa narinig natin na maayos ang discernment ni haring Solomon. Tama ang kanyang hiningi sa Diyos at natuwa ang Diyos. Hindi siya naging makasarili. Hindi niya hiningi na maging mayaman siya o mapreserve siya sa kanyang paghahari kaya dapat tanggalin ang mga magiging karibal niya sa kanyang trono. Ang hiningi niya ay ang kakayahan na mamuno siya nang maayos. Gusto niya na mag-succeed sa kanyang bagong tungkulin na hari ng Israel. Kaya sabi niya sa Diyos: “Bigyan mo ako ng isang pusong maunawain at marunong kumilala ng masama at magaling.” Hiningi niya ang karunungan upang maging mabuti at matuwid ang kanyang pamumuno. Ito ay hindi para sa kanya kundi para sa ikabubuti ng bayan ng Diyos. Natuwa ang Diyos at binigyan siya ng karunungan sa kanyang paghahari, at isinama na rin ang malaking kayamanan at ang mahabang buhay.
Tandaan natin na si Eba ay naghangad din ng kaalaman ng mabuti at masama noong siya ay tuksuhin ng ahas sa jarden ng Paraiso. Pero hinangad niya ito upang maging tulad siya ng Diyos. Ito ay para sa kanyang kapakanan lang at ito ay tanda ng kanyang kayabangan. Hindi siya naging kontento na maging tao. Gusto niyang maging Diyos! Dahil dito, siya ay pinarusahan. Pinaalis siya sa Paraiso.
Sa Bibliya napatunayan kaagad ang paggamit ni Solomon ng kanyang karunungan upang makapamuno ng matuwid. May kaso na inilahad sa kanya na kailangan niyang pagpasyahan. May dalawang babae na sabay na nanganak sa isang bahay. Isang gabi, nadaganan ng isa ang kanyang anak at namatay ito. Noong naramdaman niya na patay na ang kanyang anak, ipinagpalit niya ito sa anak ng babaeng katabi niya. Kinaumagahan natagpuan nito na patay ang bata na nasa tabi niya ngunit sa kanyang pagsusuri nakita niya na hindi ito ang kanyang anak. Pero sabi ng isang babae na anak niya iyon. Kaya ipag-agawan nila ang batang buhay. Dinala nila ang kaso kay Haring Solomon. Pagkarinig ng hari sa kanilang kaso ang kanyang pasya ay hatiin ang batang buhay at tig-iisang ibigay ang kalahati ng bata sa dalawang babae para hindi na sila mag-away. Napasigaw ang isang babae: Ibigay na lang ninyo ang bata sa babaeng iyon, huwag na siyang patayin. Sabi naman ng isa, tama iyan, hatiin ang bata para wala ng pag-awayan. Sabi ni Solomon: Ibigay ang bata sa babaeng ayaw hatiin ang bata. Siya ang tunay na nanay ng bata. Dito pinakita ng hari ang kanyang karunungan sa pamumuno, ang kanyang pagkilala sa masama at mabuti. Talagang magaling na hari siya. Matuwid ang kanyang pamumuno.
Sana ito rin ang hangarin ng mga namumuno sa atin – na ang concern nila ay mamuno nang matuwid at hindi ang kanilang sariling interes lamang. Pero nagdududa tayo kung ito nga ang intention ng mga leaders natin. Makikita natin ito sa kaso ng Maharlika Fund. Inaprubahan ba ito upang makatulong sa kaunlaran ng bayan o para may makuha na pondo ang mga namumuno na hindi dumadaan sa checks and balances ng pamahalaan. Baka ang Maharlika Fund ay maging gatasan naman ng mga opisyales. Sana naman nag-didiscern ang mga leaders natin. Pero makaka-discern sila kung ang hinahanap nila ay hindi ang sariling interes kundi ang matuwid na pamumuno sa bayan. Makaka-discern sila kung sila ay nagdarasal at nagpapagabay sa Diyos.
Tuwing huling Linggo ng buwan ng Hulyo ay ang Fil-mission Sunday. Sa Linggong ito inaalaala natin ang mga misyonerong Pilipino. Limang daang taon na tayong Kristiyano. Tinanggap natin ang pananampalataya kasi may mga misyonero mula sa ibang bansa na nagtrabaho sa atin. Ngayon naman nagpapadala na tayo ng mga Pilipinong misyonero sa ibang bansa. Suportahan natin sila. Kaya sa araw ito, ipagdasal natin sila. Magkakaroon din tayo ng second collection upang magpadala sa kanila ng pinansyal na tulong para sa kanilang gawain. Kahit na mahirap tayo – kulang din tayo sa pari at wala naman tayong malaking pera – pero kailangan din na maging generous tayo upang maabot ng Magandang Balita ni Jesus ang lahat ng tao. Ang paglawak ng paghahari ng Diyos ay gawain nating lahat.