370 total views
Kapanalig, napakaswerte mo kung noong panahon ng pandemya, may bahay kang mauuwian. Hindi ba’t naging home-bound tayong lahat noon, at sa ating tahanan lahat tayo nanatili upang makaiwas sa sakit. Pero hindi lahat ng ating kababayan ay kasing-swerte ng iba.
Noong panahon ng pandemya, kapanalig, naging trending din ang DIYs o do-it-yourself sa pagkukumpuni at pagpapaganda ng bahay. Dahil lahat tayo napirmi sa tahanan, pinili ng marami nating kababayan ang mag-ayos at magpaganda ng kanilang tinitirhan. Pero hindi lahat nagkaroon ng ganitong pagkakataon.
Ang pabahay kasi ay parang isa sa mga ultimate dreams ng mamamayang Filipino. At ang pangarap na ito ay hindi abot kamay ng marami. Kaya nga noong panahon ng pandemya, marami rin ang namoblema kung saan titira, at kung paano magbabayad sa mga titirhan nila. Tinatayang mga 2.45 million ang informal settlers o iskwaters sa ating bansa. Hanggang ngayon, problema pa rin ito.
Sa bawat sulok ng bansa, ang pabahay ay sa isa mga pangunahing pangangailangan natin. Ang pagkakaroon ng bahay ay hindi lamang nagbibigay ginhawa at proteksyon sa pamilya, nagbibgay din ito ng oportunidad para sa maayos na pamumuhay. Dito, nakakapag-aral na tayo, nakakatrabaho na tayo, at nakakasama pa natin ang pamilya natin. Paano ba natin matitiyak na may bahay ang bawat pamilyang Pilipino?
Aminin natin kapanalig, mahal talaga ang bahay at lupa sa ating bayan. Kahit pa nga sa mga probinsya, tumataas na rin ang lupa ngayon. Ang kawalan ng abot-kayang pabahay ang isa sa pangunahing balakid sa pag-unlad ng Pilipino. Dahil sa kulang ang sweldo at walang katiyakan sa trabaho, marami sa ating kabahayan ang walang permanenteng tahanan.
Maganda sana kung ang pamahalaan ay may programang pabahay na angkop sa pangangailangan ng ating mga maralitang kababayan. Kaya lamang, ang mga murang pabahay ng pamahalaan ay nasa malalayong lugar kung saan hirap ang regular na suplay ng tubig, kuryente, at internet connection. Dahil malayo, mahal din transportasyon pati paaralan at hospital, na nagdudulot ng limitadong pag-access ng mga mamamayan sa mga oportunidad sa trabaho, edukasyon, at serbisyong pangkalusugan. Sa ganito kasing sistema, sa halip makatulong, parang lalo pa natin silang pinahihirapan.
Ang sakit nga lang isipin, kapanalig, na marami sa atin ang nag-iisip na pasalamat na lang sila dahil binigyan sila ng pabahay. Mali ang ganitong pag-iisip dahil ang anumang proyekto, galing man sa publiko at pribadong sektor, ay kailangan tutumugon sa problema, at hindi nagdadagdag ng problema. Ang natural na daloy ng tao ay tungo sa pinagkukunan ng kabuhayan at oportunidad, at kung nilalayo natin ang tao dito, nilalayo natin ang kaunlaran hindi lamang sa kanila, kundi sa ating lahat.
Sabi nga sa Solicitudo Rei Socialis: The lack of housing, an extremely serious problem in itself, should be seen as a sign and summing-up of a whole series of shortcomings, economic, social, cultural or simply human in nature. Given the extent of the problem, we should need little convincing of how far we are from an authentic development of peoples.
Sumainyo ang Katotohanan.