292 total views
Mga Kapanalig, ilang araw bago ang kanyang ikalawang State of the Nation Address, pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr ang Reformation Initiative for Sustainable Environment for Food Security (o RISE) Project. Ipatutupad ang proyekto ng Department of Agriculture (o DA) at ng Department of Justice. Sisimulan ito sa Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa kung saan magsisilbing magsasaka ang mga bilanggo. May pagkain nang maitatanim at maaani para sa mga persons deprived of liberty, magkakaroon pa sila ng kabuhayan. Magandang proyekto ito, at sana ay magtuluy-tuloy at maipalaganap pa.
Sa seremonyang iyon, sinabi ni Pangulong BBM na “committed” ang gobyernong magkaroon tayo ng tinatawag na food security. Ang food security ay tumutukoy sa pagkakaroon ng mga mamamayan ng access sa sapat, ligtas, at masustansyang pagkain. Upang makamit ito, ang pagkain ay dapat na available—hindi nagkukulang, hindi kinakapos. Sapat dapat ang suplay ng pagkain sa kabila ng mga kalamidad at mga pagbabago sa ekonomiya. Kaya rin dapat ng mga taong bumili ng pagkain, at malaking impluwensya rito ang kanilang kinikita at ang presyo ng mga bilihin. Ang pagkaing kinakain ng mga tao ay dapat na nagpapabuti sa kanilang kalusugan, hindi lamang para ibsan ang kanilang kagutuman.
Sa isang survey na isinagawa ng World Food Programme noong isang taon, isa sa sampung pamilyang Pilipino ay food insecure. Ang pinaka-food insecure na mga rehiyon ay siya ring pinakamahihirap: ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (o BARMM), Eastern Visayas, at SOCCSKSARGEN. Sa BARRM, nasa 30% ang food insecurity level; nakababahala ito, mga Kapanalig. Lumabas din sa survey na mas mataas ang food insecurity sa mga pamilyang umaasa sa agrikultura katulad ng pagsasaka at pangingisda. Halos one-fourth o 24% ng mga pamilyang ito ang walang access sa sapat na pagkain. Hindi ba ito isang malaking kabalintunaan?
Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, si Pangulong BBM pa rin ang tumatayong kalihim ng DA. Noong isang buwan, sinabi niyang hindi muna siya maghahanap at magtatalaga ng bagong kalihim hangga’t hindi nasosolusyunan ang mga problema sa sektor ng agrikultura. Kasama sa mga problemang ito ang food insecurity sa ating bansa, isang problemang pinalulubha ng mataas pa ring presyo ng pagkain. Sumabay pa rito ang bumababang ani ng mga produktong katulad ng bigas at asukal. Bibitawan lang daw ni PBBM ang pagiging agriculture secretary kapag abot-kaya na ang presyo ng mga pagkain at kumikita na ng sapat ang mga magsasaka.
Hindi kaya mas makatutulong kung ang kagawarang nagtitiyak na produktibo ang sektor ng agrikultura ay nakatuon lamang ang atensyon sa mga problemang kinahaharap ng ating mga magsasaka at mangingisda? Hindi kaya mas epektibo kung ang namumuno sa ahensyang ito ay may panahong makadaupang-palad hindi lamang ang mga kababayan nating nag-aambag sa ating pagkain kundi pati sa mga kababayan nating walang maihain sa kanilang hapag? Kailangan natin ng lider sa DA na hindi lamang maalam kundi may malasakit sa mga napag-iiwanan sa sektor ng agrikultura.
Nakasalalay sa masigla at produktibong agrikultura ang pagkakaroon natin ng pagkain, at nakasalalay naman sa sapat at masustansyang pagkain ang buhay ng tao, buhay na tinanggap natin sa Diyos kaya’t dapat pangalagaan. Ang lahat ng ani sa lupang ipinagkaloob ng Panginoon, katulad ng mababasa natin sa Levitico 25:6, “ay para sa lahat.” Sabi pa sa Catholic social teaching na Caritas in Veritate, kailangang pagtuunan ng sapat na atensyon ang sektor ng agrikultura nang walang magugutom at mawawalan ng kabuhayan.
Mga Kapanalig, sa pagsisimula ng ikalawang taon ni Pangulong BBM, makakita na sana tayo ng malawakan at positibong pagbabago sa sektor ng agrikultura, hindi lamang mga paisa-isang proyekto o mabubulaklak na mga pangako.
Sumainyo ang katotohanan.