399 total views
Kapanalig, sigurado ako na buwan buwan marami sa atin ang umaaray dahil sa mahal ng kuryente sa ating bayan. Hindi lamang sa mga syudad problema ang mataas na kuryente. Kapanalig, maski sa mga probinsya, uso na rin ito.
Napakahalaga ng kuryente sa atin, lalo pa’t nasa digital age na tayo. Halos lahat ng ating ginagawa, dependent na dito. Pundamental na sangkap ng pag-unlad ng kabahayan, ng negosyo, ng bansa, ang kuryente. Kaya nga’t napakalaking hamon na ang taas ng ating binabayaran sa kuryente kada buwan. Kumpara sa ating mga karatig bansa sa Asya, isa na tayo sa may pinakamahal na halaga ng kuryente, kasama ang Singapore. Kapanalig, di hamak na mas mayaman naman ang Singapore sa atin. Ang per-capita domestic product o GDP ng Singapore, ayon sa isang pag-aaral, ay nasa US$66,176. Sa atin, nasa US$3,413 lamang.
Ang ating problema sa presyo ng kuryente ay kaytagal tagal na at may malalim na ugnayan sa iba’t iba pang mga isyu. Isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit mahal ang kuryente sa Pilipinas ay ang kakulangan sa suplay ng enerhiya. Ang bansa ay umaasa pa rin sa mga tradisyunal na mapagkukunan ng enerhiya tulad ng paggamit ng mga fossil fuels. Ito ay mas mataas ang gastos, lalo pa’t pataas ng pataas ang presyo ng langis mercado ngayon. Ini-import pa natin ito. Mahigit pa sa kalahati ng ating power generation ay mula sa fossil fuels. At sa atin, kapang pumalya ang isang planta para dito, malaki na ang epekto.
Isa pang dahilan ng mataas ng presyo ng kuryente ay ang lakas at taas ng demand para dito. Dumarami ang ating populasyon. Lumalaki ang mga industriya sa bansa, at lumalawig ang ekonomiya, lalo na’t patapos na ang pandemya. Ang lahat ng ito ay mas malaki ang hinihinging suplay ng enerhiya.
Kailangan maibsan ang suliranin ng mahal na kuryente, sabay ng pagtugon sa kulang na energy supply, lalo’t lumalaki ang demand para sa kuryente ngayon. Hiling natin ay sapat at murang kuryente para sa lahat, para naman mas mabilis ang pag-unlad, hindi lamang ng mga energy suppliers ng bayan, kundi ng mga kabahayan.
Ilan sa maaring magawa ng pamahalaan ay ang pagpapalawig ng paggamit ng mga renewable energy gaya ng solar, wind, at hydro para hindi na tayo dependent sa mga fossils, na masama naman sa kapaligiran. Kung maisusulong nga sana ang solar power, hindi na masyado magiging dependent ang tao sa mga nakagawiang electricity suppliers, at pwede pa tayo ang magbenta sa kanila ng magiging sobra sa ating ating ginagamit. Isa lamang ito sa ating maaaring magawa para magmura kahit paano ang ating power supply.
Kapanalig, napipilitan tayong magbayad ng mataas kada buwan dahil sa totoo lang, wala tayong choice. Kung anong idikta na presyo ng ating supplier, wala tayong magagawa, kundi magtipid sa gamit ng kuryente, hindi ba? Kaya lamang, mahirap gawin ito, lalo pa’t necessity naman talaga ang kuryente. Sa ganitong sitwasyon, kailangan na nating kumilos dahil nagiging balakid na sa katarungang panlipunan ang mahal ng binabayad natin. Sa halip na kumita tayo ng mas malaki ngayon dahil bumabawi tayong lahat sa epekto ng pandemya, para namang inaagaw sa atin ang konting kita dahil sa mataas na halaga ng kuryente. Hindi ba dapat common good naman muna ang unahin ngayon, bago ang malalaking kumpanya? Kailangan tutukan ito ng pamahalaan.
Paalala ng Rerum Novarum: Nasa kamay ng ating pinuno ang kapangyarihan na bigyang serbisyo ang lahat ng uri ng tao sa Estado, at sa lahat ng ito, kailangan mas mapabuti ang interes ng mga mahihirap. Ginagawa niya ito dahil ito ay kanyang tungkulin, nang walang pag-aalinlangan – sapagkat ang layunin ng pamahalaan ay maglingkod sa kabutihan ng lahat at hindi lamang ng mayayaman.
Sumainyo ang Katotohanan.