657 total views
Mga Kapanalig, tuwing panahon ng State of the Nation Address (o SONA) ng pangulo, kapansin-pansin ang kaliwa’t kanang panawagan mula sa iba’t ibang sektor ng ating lipunan. Ginagawa nila ito upang iparating sa pangulo at sa kanyang administrasyon ang mga isyung kinahaharap ng mga mamamayan.
Sa pangalawang SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakaraang linggo, nag-viral sa social media ang video kung saan makikitang nagbi-videoke ang ilang pulis ng National Capital Region Police Office (o NCRPO) sa loob ng police truck habang nagsasagawa ng kilos-protesta ang mga magsasaka, estudyante, at miyembro ng iba’t ibang sektor.1
Sa isang panayam, ipinagmalaki ng Philippine National Police (o PNP) na gagamitin daw nilang pamantayan sa mga susunod na SONA ang naging latag ng kanilang seguridad matapos ideklarang naging mapayapa at walang nalabag na karapatang pantao ng mga nagdaos ng kani-kanilang programa sa lansangan. Ang sagot din ng hepe ng NCRPO sa pagbi-videoke ng mga pulis, totoo raw na naglatag sila ng mga banda para maaliw ang mga pulis na naka-deploy na noon pang Sabado at Linggo bago ang araw ng SONA. Hindi raw iyon para sapawan ang mga nagkikilos-protesta.2
Sari-sari ang komento at opinyon ng mga netizens sa balitang ito. Maraming nagsasabing wala naman daw masama sa ginawa ng mga pulis at “karapatan” naman daw ng mga pulis na mag-enjoy. May ilan pang nagsabing mas maigi na raw marinig ang kantahan sa videoke kaysa ang sigaw ng mga raliyistang sinasabi ng ilan na nakasasawa na raw na marinig.
Ang mga pulis na nasa SONA ay nasa oras ng kanilang trabaho. Pinapasahod sila gamit ang buwis ng taumbayan kaya hindi ba dapat lang na protektahan at paglingkuran nila ang taumbayan. Hindi ba’t ito ang sinsabi sa motto nilang “to serve and protect”. Malinaw ring dapat na hindi kasama sa karapatan ng ating mga pulis ang magliwaliw sa oras ng kanilang trabaho. Ang mga mamamayan ang may karapatang ipahayag ang kanilang mga hinaing nang malaya at mapayapa. Mga lehitimong isyu ang kanilang ipinaaalám sa pamahalaan at sa publiko: dagdag-sahod, regular na trabaho, pagtaguyod ng hustisya, paggalang sa karapatang pantao, at maayos na serbisyong pampubliko.
Para sa mga kababayan nating pumapanig sa mga pulis sa isyung ito at sa mga nagsasabing nakaririndi na ang ipinagsisigawan ng mga nagra-rally, ipinaalala sa atin ng panlipunang turo ng Smbahan na nagsisimula ang pakikipagkaisa o solidarity sa pagkilala sa mga pinagdaraanan ng ating kapwa.3 Hindi uunlad ang ating lipunan kung laganap ang kawalan ng empathy o pakikiramay sa kalagayan ng mga mahihina at maliliit sa ating lipunan. Hindi natin makakamit ang kabutihang panlahat kung marami sa atin ang manhid at walang pakialam sa mga problemang dinaranas ng mga magsasaka, mga mangingisda, mga maralitang tagalungsod, mga bata, kababaihan, at marami pang iba.
Para naman sa ating kapulisan, huwag sana silang makalimot sa kanilang mandato at tungkulin bilang tagapaglingkod ng mamamayan. Gaya nga ng sabi sa Lucas 12:48, “ang binigyan ng marami ay hahanapan ng marami.” Ang mga lider natin ay binigyan ng kapangyarihang dapat nilang gamitin para sa kapakanan ng kanilang mga pinaglilingkuran.
Mga Kapanalig, marami sa ating mga kababayan ang nagsasagawa ng protesta upang manawagan sa ating pamahalaan para sa mas makataong lipunan. Nag-uumpisa ang pagkakaroon ng empathy sa pakikinig sa ating kapwa. Mas magagawa nating maintindihan ang kanilang kalagayan kung bubuksan natin ang ating isip at puso sa kanilang sitwasyon. Bilang mga Kristiyano, hindi dapat tayo nakatutok lamang sa pansariling interes at kaginhawaan sa buhay dahil bahagi ng ating pananampalataya ang maging mulat at may pakialam sa kalagayan ng ating kapwa. Ito ang mag-uudyok sa ating tumugon sa kanilang mga pangangailangan.
Sumainyo ang katotohanan.