2,823 total views
Nagpapasalamat ang Diocese of Bangued, Abra sa ipinadalang tulong ng Caritas Manila bilang tugon sa mga biktima ng Bagyong Egay.
Sa panayam ng Radyo Veritas kay Bishop Leopoldo Jaucian, inihayag nito ang pasasalamat sa social arm ng Archdiocese of Manila sa pangunuguna ni Fr. Anton CT Pascual, dahil sa 200-libong pisong paunang tulong para sa mga lubhang apektadong pamilya ng nagdaang bagyo.
“Sa ngalan po ng mga kaparian, lalong lalo na po yung layko at tsaka yung mga naapektuhan, maraming-maraming salamat po sa Caritas Manila. Fr. Anton, thank you so much po for the help,” pahayag ni Bishop Jaucian.
Pagbabahagi ng obispo na karamihan sa mga tahanan ay napinsala ng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa patuloy na pag-uulang dulot ng Bagyong Egay na pinaigting ng hanging Habagat.
Panawagan ni Bishop Jaucian sa bawat isa ang pagtutulungan sa pamamagitan ng panalangin at kawanggawa upang maibsan ang pasanin ng mga biktima at muling mabigyan ng pag-asa sa tinamong pinsala mula sa hagupit ng kalamidad.
“Hinihiling po ng obispo ng Bangued, Abra, Bishop Leopoldo Jaucian, lalong lalo na sa mga kapatid ko dito sa Abra na naapektuhan ng Bagyong Egay, sana po ay tulungan natin sila,” ayon kay Bishop Jaucian.
Maliban naman sa Diyosesis ng Bangued, nakatanggap din ng paunang tulong mula sa Caritas Manila ang Arkidiyosesis ng Tuguegarao, Cagayan at Nueva Segovia, Ilocos Sur; at ang Diyosesis ng Laoag, Ilocos Sur.
Kasalukuyan namang isinasagawa ang Caritas Manila Damayan 2023 Typhoon Egay Telethon katuwang ang Radio Veritas at layong makalikom ng 5-milyong pisong pondo bilang tulong sa mga biktima ng mapaminsalang bagyo.