2,334 total views
Pinuri ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang mga kabataan sa nasasakupang parokya na nagbuklod bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng World Youth Day sa Lisbon Portugal.
Kamakailan ay nagsagawa ng local celebration ang Parish Youth Ministries ng diyosesis na makatutulong mapaigting ang pananampalataya at pakikiisa sa kristiyanong pamayanan.
Sinabi ni Bishop Uy na ang kanilang pakikiisa sa WYD 2023 ay maituturing na pagsasabuhay sa pananampalataya sa pamamagitan ng pagkakaisa ng mga kabataan tungo sa isang malagong komunidad.
Umaasa ang obispo na mananatiling magningas sa bawat kabataan ang alab ng kristiyanismo upang higit na maibahagi si Hesus sa bawat sulok ng daigdig.
“Remember that you are the future of the Church, and your passion and enthusiasm inspire us all. May these experiences strengthen your relationship with God and one another, empowering you to be agents of change, love, and hope in the world. Keep shining your light brightly, for you are the beacon of faith for generations to come.” bahagi ng pahayag ni Bishop Uy.
Nagsimula na ang pre-event ng WYD 2023 sa Lisbon Portugal kung saan nakisalamuha ang daang libong kabataang delegado sa mga diyosesis sa lugar habang sa August 1 hanggang 6 ang pormal na pagdiriwang na inaasahang dadaluhan ng Santo Papa Francisco.
Sa Pilipinas nasa 2, 000 delegado ang dadalo sa pagtitipon sa pangunguna ni Daet Bishop Rex Andrew Alarcon ang pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Youth.
Una nang humiling ng panalangin si Bishop Alarcon para sa ikatatagumpay ng pandaigdigang pagtitipon gayundin ang magiging bunga sa mga kabataang dumalo na makatutulong sa paghuhubog bilang mabuting kristiyanong bahagi ng simbahan.