2,524 total views
Hinimok ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang mga parokya at religious communities na sakop ng diyosesis na magsagawa ng Holy Hour sa August 4, unang Biyernes ng Agosto bilang pagbabayad puri sa kalapastanganan sa panalanging ‘Ama Namin’.
Ayon sa obispo ang pag-awit sa panalanging itinuro ni Hesus sa hindi angkop na lugar at pagdiriwang ay patunay ng kawalang pagpahalaga sa kabanalan at kawalang paggalang sa panalangin.
“I ask all the parishes and religious communities to offer the Holy Hour for First Friday of August in reparation for the sacrileges against our Lord.” bahagi ng pahayag ni Bishop Ongtioco.
Sinabi pa ng obispo na nakapaloob sa Ama Namin ang paghahayag ng dakilang pagliligtas ng Diyos sa tao mula sa kasalanan gayundin ang pagturing sa sangkatauhan bilang mga anak kaya’t nararapat lamang itong bigyan ng ibayong paggalang.
Matatandaang nag-viral sa social media noong July 10 ang video ng drag performance ni Pura Luka Vega na umaawit ng Ama Namin sa isang party na inalmahan at mariing kinundena ng mga Pilipino na mayorya ay mga Katoliko.
Paalala ni Bishop Ongtioco na sa tuwing dinadasal ang Ama Namin ang bawat isa ay inaanyayahan ng Panginoon na maging bahagi sa kristiyanong pamayanang nakaugat sa habag, awa at pag-ibig.
Kasabay nito hinikayat ng obispo ang mamamayan lalo na ang mga magulang na turuan ang mga kabataan sa kahalagahan at paggalang sa mga panalangin at sakramento ng simbahan.
“I would also like to urge our dear parishioners to take this opportunity to teach your children the importance of showing respect to everything that is sacred, whether it be the Eucharistic or the Lord’s Prayer and to avoid any act of desecration.” giit ni Bishop Ongtioco.
Nitong July 31 ay nagsampa ng kaso ang Philippines for Jesus Movement laban kay Pura Luka Vega dahil sa paglapastangan sa panalangin habang idineklara rin itong persona non grata sa General Santos City.