4,667 total views
Ipalaganap ang biyaya ng Panginoon sa pamamagitan ng pagkakawanggawa sa mga biktima ng kalamidad.
Ito ang paanyaya ni Caritas Manila executive director Fr. Anton CT Pascual sa publiko kasabay ng panawagan ng tulong para sa mga biktima ng kalamidad lalo sa hilagang Luzon.
Ipinaabot din ng pari ang pasasalamat sa lahat ng mga nakiisa sa ginanap na Caritas Manila Damayan Typhoon Egay Telethon 2023 kung saan nakalikom ng P1.5 million para sa biktima ng bagyo.
“Kaya ipalaganap po natin ‘yan na ang biyaya ng Diyos ay nasa ating pagbibigay, the more we give the more we shall receive… Nawa mapasainyo ang biyaya na inyong kagandahang loob… It is more blessed to give than to receive kasi minsan kapag nakatanggap tayo ng biyaya ang feeling natin blessed tayo pero mas pinagpala daw ang nagbibigay kaysa tumatanggap,” ayon pa kay Fr. Pascual.
Muli naman inaanyayahan ni Fr. Pascual ang lahat na patuloy na magpadala ng tulong para naman sa rehabilitation program ng simbahan matapos ang pananalasa ng bagyo.
Ayon sa pari, hindi natatapos sa relief operation ang pagtulong sa mga nasalanta kundi ang pag-agapay din sa mga pamilyang nawalan ng tahanan at kabuhayan.
Naunang nagpadala ng tulong pinansiyal ang Caritas Manila sa Archdiocese of Tuguegarao, Archdiocese of Nueva Segovia, Diocese of Bangued at Diocese of Laoag.
Read: https://www.veritasph.net/veritas846-news/2/
Namigay din ang Caritas Manila ng 700 Manna bags sa mga biktima ng bagyong Egay sa Binangonan,Talim Island, San Mateo at Montalban sa lalawigan ng Rizal.
Sa tala ng Department of Agriculture, umaabot sa 1.5 bilyong piso ang naitalang napinsala sa sektor ng agrikultura kung saan 94 na libong magsasaka at mangingisda ang naapektuhan ng nagdaang bagyo.