408 total views
Mga Kapanalig, noong nakaraang linggo ay nakamit ng Filipinas, ang women’s national football team ng Pilipinas, ang kauna-unahang panalo ng bansa sa FIFA World Cup. Tinalo ng ating mga pambato ang host country na New Zealand sa puntos na 1-0. Ang makasaysayang tagumpay ng Filipinas ay nangyari isang araw lamang matapos ang ikalawang SONA ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., kaya hindi rin natin maiwasang kumustahin ang katayuan ng kababaihan sa unang taon ng administrasyong Marcos Jr.
Katulad ng mga nakaraang taon, ang SONA ngayong taon ay nagsisilbing entablado upang ipagmalaki ng administrasyon ang mga itinuturing nitong tagumpay sa halip na magbigay ng komprehensibong ulat sa aktwal na state of the nation o kalagayan ng bansa. Ibinida sa SONA ang mga sinasabing progreso sa ekonomiya, agrikultura, kalusugan, at iba pang sektor. Ngunit kapansin-pansin ang hindi pagbanggit sa isyu ng karapatang pantao at sa imbestigasyon ng International Criminal Court (o ICC).
Sa kabila ng sinasabing economic growth na 7.6% noong 2022, pagbaba ng inflation sa 5.4% nitong Hunyo, at pagpapanatili sa unemployment rate nang hindi tataas sa 5%, mayroong higit pa sa 21.1 milyong kababaihan sa bansa ang “economically insecure” o walang kasiguruhan sa trabaho o kabuhayan. Batay ito sa ulat ng Center for Women’s Resources (o CWR) sa estado ng kababaihan sa unang taon ng administrasyong Marcos Jr. Anila, kasama sa datos na ito ang halos isang milyong babaeng unemployed, 1.9 milyon na underemployed, at 18 milyong wala sa labor force. Ang mga datos na ito, ayon sa CWR, ay nagpapakitang mas vulnerable o lantad ang kababaihan sa gutom, kahirapan, at karahasan. Binigyang-diin din ng ulat kung gaano lubhang naaapektuhan ang kababaihan sa inflation na umabot sa 8.7% noong Enero, ang pinakamataas na inflation rate sa nakaraang labing-apat na taon.
Dumarami rin ang iba’t ibang anyo ng mga pang-aabuso at pagsasamantalang nararanasan ng kababaihan at mga bata. Noong 2022, hindi bababa sa 24,000 ang naiulat na mga kaso ng violence against women and children (o VAWC). Ayon sa CWR, ito ay katumbas ng halos 75 na biktima kada araw o tatlong biktima kada oras noong 2022. Kulang pa ang numerong ito dahil maraming kaso ng VAWC and hindi inire-report dahil sa takot, hiya, at victim-blaming culture. Paliwanag ng CWR, nananatiling nasa panganib na maging biktima ng human trafficking at prostitusyon ang kababaihan dahil sa kawalan ng disenteng trabaho at sapat na kita para mabuhay.
Dapat na kilalanin at itaguyod natin, pati na ang Simbahan, ang karapatan ng kababaihan. Ayon nga sa panlipunang turo ng Santa Iglesia, ang pagpapatuloy ng iba’t ibang anyo ng diskriminasyon laban sa kababahihan ay dulot ng matagal na pag-kondisyon sa lipunan na umaapak sa halaga at dignidad ng mga babae. Ang tunay na pag-unlad ay nangangailangan ng pagbabago sa istruktura ng lipunan, kasama na rito ang labor o paggawa, kung saan wala nang nararanasang diskriminasyon at ‘di pagkakapantay-pantay ang mga tao anuman ang kanilang kasarian.
Mga Kapanalig, marami pa rin ang kailangang gawin upang matugunan ang mga malalalim at istruktural na problemang kinahaharap ng ating bayan. Isa sa mga pangunahing hakbang ay ang pagkilala ng gobyerno sa mga kakulangan nito. At hindi nakakatulong, bagkus ay nakakapinsala pa nga, ang pagkubli sa mga negatibong aspeto ng kalagayan ng bansa, lalo na sa usapin ng karapatang pantao at aktwal na sitwasyon ng mga marginalized sectors katulad ng kababaihan. Patuloy sana nating ipaglaban ang karapatan at dignidad ng ating kapwa at panagutin ang gobyerno sa mga pangako nito nang sa gayon ay maisabuhay ang winika sa Deuteronomio 1:17 na mabigyan ng katarungan ang bawat tao, maging sinuman sila.
Sumainyo ang katotohanan.