4,565 total views
Marami pa rin ang bilang ng teenage pregnancy sa ating bansa. Noong 2020, umabot ng 56,248 ang bilang ng live births mula sa mga batang may edad 10 hanggang 17 at 51 live births mula sa mga batang 10 hanggang 12. Pihadong marami pa ang hindi nakakasama sa bilang dahil marami pa sa kanila ang hindi nakatala. Marami ang nahihiya at hindi agad nagpupunta sa mga hospital at health centers.
Malubhang isyu ito kapanalig, na dapat harapin hindi lamang ng pamahalaan kung hindi ng mga pamilyang Pilipino. Marami itong dalang hamon sa ating kabataan at lipunan. Nagdadala ito ng mabigat na responsibilidad sa kabataan habang ang katawan nila ay nahihirapan. May pangmatagalang epekto ito sa kanilang buhay pati na sa kanilang magiging supling.
Una sa lahat, malaking pagbabago at stress ang dinadala ng maagang pagbubuntis sa katawan at isip ng teenager. Mas at risk sila sa mga sakit gaya ng eclampsia at systemic infections na nakamamatay. Ang kanilang sanggol din ay at-risk – maaring masyadong mababa ang kanilang maging birth weight at maaari rin silang maging preemie, o mapanganak na maaga.
Hindi rin dapat nating kaligtaan na hindi lang physical health ang apektado ng teenage pregnancy. Malaki rin ang epekto nito sa mental health ng kabataan. Nagdadala ito ng malubhang stress sa isip, pati na ng depresyon. Pati kumpiyansa ng teenager sa kanyang sarili at sa kanyang kakayahan at kinabukasan ay apektado nito.
Ang mga teenager na nabubuntis ay kadalasang nakakaramdam ng pag-iisa at kawalan ng suporta. Pakiramdam nila, kahihiyan sila ng pamilya at komunidad. Dahil dito, marami ang tumitigil mag-aral, at nag-aasawa na lamang. Mabilisang life changes ang nangyayari sa kanila sa ganitong punto, na wala pa silang kahandaan na harapin at tahakin. Kadalasan, ang bukas na kanilang hinarap, para sa kanila, ay madilim at napakahirap.
Kapanalig, ang unang hakbang upang ating labanan ang teenage pregnancy ay ang pagpapatatag ng pamilya. Kailangan, mula sa ating tahanan, ating nakakausap ang ating mga kapamilya ukol sa mga issues, panganib, at hamon na kanilang pinagdadaanan. Dapat nating ginagabayan at binabantayan, mula sa tahanan pa lamang, ang ating mga kabataan. Dapat nating ituro sa kanila ang tama at mali, at iparamdam sa kanila na sila ay hindi nag-iisa. Kailangan natin silang protektahan. Hindi lahat ng teenage pregnancy ay dahil sa maagang pakikipag-nobyo. Marami ang mula sa krimen. Ang age of sexual consent sa ating bayan ay 16.
Kapanalig, ayon sa Amoris Laetitia, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan, “The welfare of the family is decisive for the future of the world and that of the Church.” Kapanalig, kabataan ay ang kinabukasan ng sangkatauhan. Bawat pamilya ay dapat protektahan sila at gabayan upang hindi nila maranasan pa ang teenage pregnancy at ang malubhang epekto nito.
Sumainyo ang Katotohanan.