470 total views
Mga Kapanalig, matinding pag-ulan ang naranasan ng ating bansa, lalo na rito sa Luzon, nitong mga nakaraang linggo. Dumaan ang mga Bagyong Dodong, Egay, at Falcon, at sa pagdaan nila, hinatak din nila ang hanging habagat na nagdala ng matinding pag-ulan sa mga lugar na hindi direktang tinamaan ng mga bagyong ito. Nag-iwan ang tila walang humpay na pag-ulan ng malawakang pagbaha, pagguho ng lupa, flashflood, at matinding trapik.
Sa kabila ng perwisyong iniwan ng mga kalamidad na ito, hindi napigilan ng ilan nating kababayang idaan ang mga ito sa katuwaan. Sa isang bansang gumón sa paggamit ng social media, kasimbilis ng pagtaas ng tubig-baha ang mga post at video kung saan ipinakikita ng mga kababayan natin kung paano nila inaaliw ang kanilang sarili sa gitna ng kanilang nararanasan. Sa isang video, halimbawa, masayang iminuwestra ng isang kababayan natin ang iba’t ibang level ng baha sa kanilang lugar—mula level one na hanggang hita lamang hanggang sa level five na lampas leeg.
May mga nagsasabing pagpapakita ito ng ating “resiliency” o katatagan sa harap ng kalamidad. Nakukuha nating tawanan ang ating mga problema at ang mga bagay na nakapeperwisyo sa atin. Hinahanapan natin ng “positive vibes”, ‘ika nga, ang mga nakalulungkot o nakapapagod na pangyayari. Hinahangaan natin ang mga kababayan nating apektado na nga ng bagyo at pagbaha, ngunit nagagawa pa ring ngumiti sa harap ng camera.
Makitid ang ganitong pag-unawa sa salitang “resiliency”. Tumutukoy ang resiliency sa kakayahan nating makabangon agad o makapag-adjust sa kasawian o pagbabago. Hindi ito naipakikita lamang sa pagiging masayahin at mistulang pagtanggap natin sa ating kalagayan tuwing may kalamidad kahit pa paulit-ulit itong nangyayari. Hindi ito naipakikita lamang sa mabilis nating pag-move on pagkatapos ng masamang pangyayari sa ating buhay.
Ang makitid na pag-unawa sa salitang “resiliency” ang sinasamantala naman ng mga may pagkukulang sa kanilang responsabilidad na tiyaking ligtas ang mga mamamayan sa panahon ng kalamidad, at, una sa lahat, hindi makaranas ng matinding hirap ang mga tao anuman ang panahon. Ang mababaw na pagpapakahulugan sa resiliency ay nagiging daan upang malihis ang ating atensyon sa mabagal na paghahatid ng tulong sa mga nasalanta katulad ng mga magsasakang nawalan ng kabuhayan at mga mangingisdang hindi makapalaot. Nagiging daan ito upang hindi na natin hanapin ang ating mga lider at alamin ang kanilang mga planong gawin. Nagiging daan ito upang hindi na usisain ng publiko ang mga malalalim na dahilan kung bakit matindi ang pagbaha sa kanilang lugar katulad ng palpak na mga imprastraktura, kabiguang pigilan ang pagsira sa kagubatan, at hindi maayos na pangungulekta ng basura. Salamat sa makitid na pag-unawa sa resiliency, naiiwasan ng ating mga lider ang mga puna at batikos ng taumbayan.
Nauunawaan naman natin kung mas pinipili ng marami sa atin, lalo na ng mga naapektuhan ng kalamidad, na dumiskarte na lamang—at maging positibo—sa harap ng paghihirap. Ngunit hindi sana tayo masanay sa ganito. Nagiging hadlang ito sa tinatawag ng ating Simbahan na common good o kabutihang panlahat. Umiiral ang kabutihang panlahat kapag ang mga kalagayan sa ating lipunan ay nagbibigay ng pagkakataon sa lahat upang makapamuhay nang ganap. Samakatuwid, dapat nating isaalang-alang din ang kapakanan ng ating kapwa, bagay na hindi natin magagawa kapag tahimik tayo sa mga kakulangan ng gobyerno at kapag tinatanggap na lamang natin ang ating pagtitiis, kagaya sa tuwing may kalamidad.
Mga Kapanalig, habang tinutulungan natin ang isa’t isang bumangon sa sunud-sunod na kalamidad sa ating bansa, huwag nating kalimutang may gobyerno tayo. Kaakibat ng sinasabi sa 1 Pedro 2:13 na “pasakop [tayo] sa lahat ng may kapangyarihan sa bayan” ang tungkulin nating papanagutin sila sa kanilang mga pagkukulang.
Sumainyo ang katotohanan.