2,120 total views
Hindi dapat balewalain ang kalusugan ng mamamayan sa pagnanais na maiangat ang ekonomiya ng bansa.
Ito ang paalala ni Anakalusugan Partylist Representative Ray Reyes sa pahayag ng Department of Trade and Industry kaugnay pagturing sa Pilipinas bilang manufacturing hub ng e-cigarettes at heated tobacco products.
Nangangamba ang mambabatas na tila binabalewala ng mga tagapamahala ng ekonomiya ng Pilipinas ang panganib sa kalusugan ng publiko tungo sa hangarin na pag-unlad o pakinabang sa ekonomiya.
“It is deeply concerning that our economic managers are seemingly disregarding the potential health risks of using e-cigarettes and HTPs (heated tobacco products) in favor of economic gain.” ayon kay Reyes.
Iginiit ng mambabatas na bagama’t ang mga produktong ito ay itinuturing na mas ligtas bilang alternatibo sa sigarilyo ay nagdudulot pa rin ng panganib sa kalusugan ng tao.
Sinabi pa ni Reyes na ang pahayag ng DTI ay taliwas din sa layunin ng Republic Act 11900 o Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act na pangalaan ang mamamayan mula sa maaring panganib na dulot ng mga ganitong uri ng produkto.
Ayon sa 2021 Global State of Tobacco Harm Reduction may 82 milyon na ang gumagamit ng ‘vape’ kabilang na ang 2.7 milyon sa Pilipinas kung saan 11 porsiyento ng gumagamit ng e-cigarettes ay pawang nasa 14 na taong gulang.