3,306 total views
Nanawagan ang Commuters at Cyclist group na Move as One Coalition sa pamahalaan na pahalagahan ang kanilang kinabibilangang sektor.
Ikinalungkot ng grupo ang hindi paglalaan ng pondo ng pamahalaan sa 2024 national budget sa mga proyekto sa imprastraktura na makakatulong para sa mga pedestrians at commuters.
Muli ring isinulong ng grupo ang kahalagahan ng alternatibong paraaan ng transportasyon katulad ng pagbibisekleta at paglalakad.
Dismayado ang grupo dahil mas binigyang prayoridad ng pamahalaan ang mga gumagamit ng pribadong sasakyan.
“The Move As One Coalition urges the government to accord the highest priority to pedestrians and cyclists in the hierarchy of road users. The Coalition calls on the government to focus on the needs of the 94% of Filipinos who do not own private vehicles by including safer pedestrian lanes, protected bike lane networks, service contracting, and PUV modernization program in the 2024 NEP,” ayon sa mensaheng ipinadala ng grupo sa Radio Veritas.
Kinundena ring ng grupo ang kakulangan ng pondo para sa Jeepney Modernization program dahil sa karagdagang pasakit na idudulot nito sa sektor ng Jeepney drivers at operators.
Iginiit ng grupo ang pagkakaroon ng sapat na tulong sa jeepney sector sa patuloy na pagsusulong ng modernization program dahil nanatili pa rin ang mga jeepney bilang pangunahing transportasyon ng mga ordinaryong mamamayan.
“Jeepney phaseout ang tawag sa PUV modernization program na hindi pinopondohan ng gobyerno, nangako si Pangulong Marcos na walang jeepney driver ang mawawalan ng trabaho sa PUVMP niya, ang tanong: Bakit walang budget, lalo na para sa equity subsidy?,”mensahe ni Jaime Aguilar ng National Confederation of Transport Workers Union.
Patuloy naman ang pakikiisa ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines upang makamit ng transport sector ang katarungangn panlipunan.