3,293 total views
Muling umapela ng tulong ang mga Diyosesis sa Hilagang Luzon dahil sa matinding pinsalang iniwan ng bagyong Egay sa mamamayan.
Ayon kay Father Jeorge Manisem – Social Action Director ng Apostolic Vicariate ng Tabuk, layunin nilang makapamahagi ng foodpacks sa may limang libong pamilya na nasalanta ng kalamidad.
Mula sa bilang, 2,500 pamilya na ang makakatanggap ng family food packs na nagkakahalaga ng 600-pesos ang kada bag.
“As of now, we received 400,000 from the dioceses of Dumaguete, Pasig, and Pondo ng pinoy (total- 400k), this fund will purchase 666 family food packs in partnership with the Savemore Tuguegarao, so kulang parin for our target, the Metrobank also committed to give 500k but this is exclusively for thermal kit which is still to be distributed on saturday once we purchase the items,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Manisem.
Ibinahagi naman ni Rodolfo Villanueva – Secretary to the Director ng Social Action Center ng Diocese of Iba sa Zambales na 175 na pamilya ang nangangailangan ng relief assistance matapos bahain at masira ang kabahayan.
“Most Probably po food items pa din po, may mga livelihoods po kasi na affected and still may mga nasa evacuation center po due to the landslide,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Villanueva.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction Management Council, aabot na sa 4.5-milyong mamamayan na katumbas ng 1.22-milyong pamilya ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Egay, Falcon at Habagat sa Hilaga, Gitnang Luzon.
Umaabot narin sa 9.97-billion pesos ang pinsalang idinulot ng mga kalamidad sa sektor ng agrikultura, imprastraktura at iba pang sektor.