3,035 total views
Naniniwala ang Order of Carmelites Philippine Province of St. Titus Brandsma na mahalaga at napapanahong isulong ang debosyon kay St. Titus Brandsma na kilalang ‘Defender of Truth’ at ‘Martyr of Press Freedom’.
Ito ang ibinahagi ni Very Rev. Rico P. Ponce, O.Carm. – Prior Provincial ng Order of Carmelites Philippine Province of St. Titus Brandsma sa pagsusumikap ng kongregasyon na palaganapin ang debosyon sa bagong santo na si St. Titus Brandsma.
Ayon sa Pari, higit na napapanahon ang pagbabahagi sa lipunan ng buhay at paninindigan sa katotohanan ni St. Titus dahil na rin sa paglaganap ng kasinungalingan, distortion of truth at historical revisionism sa bansa.
Iginiit ni Fr. Ponce na kaakibat ng debosyon kay St. Titus Brandsma ang hamon sa bawat isa upang tumayo at manindigan sa katotohanan at pagsusulong ng karapatang pantao sa bansa.
“Pinapakilala namin si (St.) Titus sa lahat ng mga estudyante at mga mananampalataya at angkinin na huwaran si St. Titus sa buhay natin ngayon lalong lalo na na lumaganap ang kasinungalingan, there is distortion of truth and also there is historical revisionism, so nawa ito ay magiging paanyaya din sa lahat na tumayo at manindigan para sa katotohanan at sa karapatang pantao.” Ang bahagi ng pahayag ni Fr. Ponce sa Radio Veritas.
Umaasa naman si Rev. Fr. Christian B. Buenafe, O.Carm. – Executive Director ng Titus Brandsma Media Center and Institute of Spirituality in Asia na gawing inspirasyon lalo na ng mga kabataan, mga guro at mga nasa larangan ng pamamahayag si St. Titus Brandsma na mariing nanindigan para sa katotohanan at kapakanan ng mga naaapi sa kabila ng banta ng kapahamakan.
“Nais natin siyang ipakilala dahil siya ay isang journalist, isang teacher, isang administrator at isang artist din kaya he is very relevant for us today and we can actually connect with him and we can relate with him kaya napakahalaga ngayon ang usaping katotohanan kasi dahil nga sa misinformation, disinformation, may fake news ang hirap na i-decipher, ang hirap na malaman kung totoo ba ito o hindi totoo kaya kailangan natin isang inspirasyon sa katauhan ni St. Titus Brandsma.” Dagdag pa ni Fr. Buenafe.
Matatandaang May 15, 2022 nang ganap na maging santo ang Carmelong pari na pinaslang sa Dachau concentration camp sa Germany noong July 26, 1942 dahil sa paninindigan sa katotohanan nang tanggihang ilathala sa Catholic newspaper ang Nazi propaganda.
Dahil dito tinagurian si St. Titus Brandsma na ‘Defender of Truth’ at ‘Martyr of Press Freedom’ kung saan bilang pagbabahagi ng kanyang buhay at pagpapatuloy sa kanyang paninindigan ay itinatag sa Pilipinas ang Titus Brandsma Media Center na layong magbahagi ng media education at pastoral care para sa mga media professionals; at Titus Brandsma Media Awards, na kumikilala sa natatanging media practitioners na nagpapahalaga sa katarungan, katotohanan, kalayaan at nagtataguyod sa kapakanan ng mga mahihirap sa lipunan.