3,115 total views
Muling naglabas ng panuntunan ang Archdiocese of Manila sa mga gawaing simbahan makaraang alisin ng pamahalaan ang public health emergency status sa bansa dulot ng COVID-19.
Sa sirkular ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, pinasalamatan nito ang mga pari sa pagpapatuloy nang paggawad ng mga sakramento sa kabila ng restriksyong ipinatupad ng pamahalaan gayundin ang lay liturgical ministers na nagingg katuwang ng mga pari.
Kinilala ng arsobispo ang Extraordinary Ministers of Holy Communion at parish ministry for the sick na kumikilos upang kalingain ang mga may karamdaman na walang kakayahang makapunta sa mga simbahan upang tumanggap ng Banal na Komunyon.
Bagamat optional na ang pagsusuot ng facemask sa mga gawain, hinimok ni Cardinal Advincula ang mga pari na panatilihin ang safety protocol lalo na sa pagbisita sa mga maysakit habang ipinag-utos din nito ang pananatili ng alcohol dispensers sa mga simbahan at ugaliin ang pag-sanitize ng kamay sa lahat ng pagkakataon lalo na sa komunyon.
Hinikayat ni Cardinal Advincula ang mga parokya na paigtingin ang katesismo sa kahalagahan ng pagtanggap ng komunyon na may ibayong paggalang sa Katawan ni Kristo alinsunod sa General Instruction of the Roman Missal.
“We reiterate the call of our bishops for the faithful “to return to the Sunday Eucharist with a purified heart, with renewed amazement, with an increased desire to meet the Lord, to be with him, to receive him, and bring him to our brothers and sisters with the witness of a life full of faith, love, and hope.” pahayag ni Cardinal Advincula.
Ipinaalala din ng arsobispo sa pagdiriwang ng Banal na Misa sa labas ng mga simbahan na tiyaking nasusunod ang wastong liturhiya at nabibigyang dignidad ang pagdiriwang ng Eukaristiya gayundin ang pagsusuot ng wastong kasuotan ng mga pari ayon sa GIRM.