719 total views
Kapag sinabing mananahi sa ating bansa, kadalasan ang imahe na nabubuo sa ating isipan ay isang babae, yuko na sa kanyang makina, at tuloy tuloy ang pananahi para sa kanyang kabuhayan at ng kanyang mga anak. Itsura ng paghihirap ang agad nating nakikita.
Madalang na ating naiisip na ang mananahi ay isang matapang at masipag na mamamayan, babae man siya o lalaki, na gumagawa ng kanyang obra – bunga ng kanyang galing at kasanayan sa isang skill o kakayahan na hindi makakaya ng iba.
Ang mga mananahi ng bansa natin, kapanalig, ay matatawag nating bayani, lalo pa’t silang nagpapatuloy ng mga sining, gayak, at estilo na tunay na Pilipino. Kaya lamang, marami pa tayo dapat isaayos sa garment industry ng ating bayan. Sa hierarchy of importance sa industriyang ito, kadalasan, ang mga mananahi ang nasa ilalim, nakakalimutan at napapabayaan.
Ang Asya kapanalig, kung saan tao ay bahagi, ay ang garments capital of the world. Magandang balita ito, lalo pa’t nakikinabang ang maraming maliliit na bansa gaya natin. Kaya lamang, kailangang natin suriin ang working conditions ng maraming mga garments factory upang matiyak na maayos ang kalagayan ng ating mga mananahi. Masyado minsan mababa ang labor wages habang ang trabaho ay napakabigat at napakahaba. May mga garment factories din na hindi conducive sa maayos na pagtatrabaho at maaaring health hazard pa.
Isa pa rin sa hamon sa ating garments industry pati na rin sa ating mananahi ay ang pagtaas ng kumpetisyon habang minsan ay lumiliit ang demand, lalo pa’t panahon ng resesyon at pagtaas ng bilihin sa iba ibang parte ng mundo. Minsan, pababaan na ng labor costs dahil dito, kaya’t ang mananahi ang unang naapektuhan ng pabago-bagong demand at mataas na kompetisyon.
Ilan pa sa mga hamon sa mga mananahi ay seguridad at katiyakan sa trabaho. Tinatayang mahigit pa sa 550,000 ang mga garment workers sa bansa, ngunit pihadong mas marami ito dahil hindi nakalista lahat, at may mga subcontractors, o kaya home based workers. Dahil sa paiba-ibang lebel ng demand at sa iba ibang hamon gaya ng pandemya, madalas ang pagla-lay off sa mga mananahi – lalo na noong kahitikan ng COVID-19. Sa gitna ng kawalan ng katiyakan sa trabaho, marami pa sa kanila ang walang sapat na social protection, gaya ng unemployment benefits o disability benefits.
Panahon na upang matutukan na rin ang sitwasyon ng mga garment workers sa bansa, upang mas umangat pa ang kanilang industriya at makaranas sila ng kaluwagan sa buhay. Suriin natin ang labor conditions nila at tiyakin na tama at sapat ang kanilang proteksyon at kompensasyon. Angkop dito ang tagubilin mula sa Sacramentum Caritatis: “Work is of fundamental importance to the fulfillment of the human being and to the development of society. Thus, it must always be organized and carried out with full respect for human dignity.”
Sumainyo ang Katotohanan.