4,679 total views
Paggunita sa Pagpapakasakit ni San Juan, ang Tagapagbinyag, Martir
1 Tesalonica 3, 7-13
Salmo 89, 3-4. 12-13. 14 at 17
Pag-ibig mo’y ipadama,
aawit kaming masaya.
Marcos 6, 17-29
Memorial of the Passion of Saint John the Baptist (Red)
UNANG PAGBASA
1 Tesalonica 3, 7-13
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo
sa mga taga-Tesalonica
Dahil sa inyong pananalig kay Kristo, mga kapatid, naaliw kami sa gitna ng aming hirap at pagkabalisa. Ang pananatili ninyong matatag sa pananampalataya ang nagpasigla sa buhay namin. Paano kaya namin mapasasalamatan nang sapat ang Diyos sa kagalakang dulot ninyo sa amin? Mataimtim naming idinadalangin araw-gabi na kayo’y muli naming makita at matulungan sa ikagaganap ng inyong pananampalataya.
Loobin nawa ng ating Diyos at Ama at ng ating Panginoong Hesukristo na makapunta kami riyan. Palaguin nawa at pag-alabin ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa’t isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo. Kung ito ang mangyayari, palalakasin niya ang inyong loob. Sa gayun, kayo’y mananatiling banal at walang kapintasan sa harapan ng ating Diyos at Ama hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Hesus, kasama ang mga hinirang niya.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 89, 3-4. 12-13. 14 at 17
Pag-ibig mo’y ipadama,
aawit kaming masaya.
Yaong taong nilikha mo’y bumabalik sa alabok
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
Ang sanlibong mga taon, ay para bang isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
Pag-ibig mo’y ipadama,
aawit kaming masaya.
Yamang itong buhay nami’y maikli lang na panahon,
itanim sa isip namin upang kami ay dumunong
hanggang kailan magtitiis na magdusa, Panginoon,
kaming iyong mga lingkod na naghihirap sa ngayon.
Pag-ibig mo’y ipadama,
aawit kaming masaya.
Kung umaga’y ipadama ang pag-ibig mo’t paggiliw
at sa aming buong buhay may galak ang awit namin.
Panginoon naming Diyos, kami sana’y pagpalain,
magtagumpay sana kami sa anumang aming gawin.
Pag-ibig mo’y ipadama,
aawit kaming masaya.
ALELUYA
Mateo 5, 10
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang inuusig
sa gawang puspos ng bait
pagkat may kakamting langit.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 6, 17-29
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, si Herodes ang nagpahuli, nagpagapos at nagpabilanggo kay Juan dahil kay Herodias. Ang babaing ito’y asawa ni Felipe na kapatid ni Herodes ngunit kinakasama niya. Laging sinasabi sa kanya ni Juan, “Hindi matuwid na kunin ninyo ang asawa ng inyong kapatid.” Kaya’t si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan. Hinangad niyang ipapatay ito, ngunit hindi niya magawa, sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Alam niyang ito’y taong matuwid at banal, kaya’t ipinagsasanggalang niya. Gustong-gusto niyang makinig kay Juan, bagamat labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito.
Sa wakas ay nagkaroon ng pagkakataon si Herodias nang anyayahan ni Herodes sa kanyang kaarawan ang kanyang mga kagawad, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. Pumasok ang anak na babae ni Herodias at nagsayaw. Labis na nasiyahan si Herodes at ang mga panauhin, kaya’t sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo sa akin ang anumang ibig mo at ibibigay ko sa iyo.” At naisumpa pa niyang ibibigay kahit ang kalahati ng kanyang kaharian kung ito ang hihilingin. Lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, “Ano ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan Bautista,” sagot ng ina. Dali-daling nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari. “Ang ibig ko po’y ibigay ninyo sa akin ngayon din, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan Bautista,” sabi niya. Labis na nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang sumpa na narinig ng kanyang mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. Kaagad niyang iniutos sa isang bantay na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod ang bantay at pinugutan si Juan sa bilangguan, inilagay ang ulo sa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Agosto 29
Ang Pagpapakasakit ni San Juan Bautista
Marami ang nagpatotoo sa kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng kanilang buhay. Dahil sa pagkabatid natin na ang ating misyon sa mundo ay maging mga propeta, manalangin tayo sa ating mapagmahal na Ama na gawin tayong tapat sa ating bokasyon.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Sumaamin nawa ang Iyong lakas, Panginoon.
Ang Simbahan nawa’y may tapang na tuparin ang kanyang propetikong misyon na ipahayag ang Ebanghelyo nang walang takot o kompromiso, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naglilingkod sa pamahalaan nawa’y magkaroon ng budhing matatag na nakabatay sa katapatan at moralidad, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating pamayanan nawa’y manindigan at magsalita para sa katarungan at dignidad ng tao, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y hindi panghinaan ng loob dahil sa mga pagsubok sa buhay bagkus higit na maging matatag sa pananampalataya sa pamamagitan ng mga ito, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nasa bingit ng kamatayan nawa’y pukawin ng sigla ng pangaral at halimbawa ni San Juan Bautista, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos naming makapangyarihan, pinagpala mo kami ng pangaral at halimbawa ni San Bautista. Maialay nawa namin ang aming buhay sa paglilingkod sa iyo sa pamamagitan ng aming pangangaral at buhay. Hinihiling namin to sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.