5,650 total views
Huwebes ng Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
1 Tesalonica 3, 7-13
Salmo 89, 3-4. 12-13. 14 at 17
Pag-ibig mo’y ipadama,
aawit kaming masaya.
Mateo 24, 42-51
Thursday of the Twenty-first Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
1 Tesalonica 3, 7-13
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo
sa mga taga-Tesalonica
Dahil sa inyong pananalig kay Kristo, mga kapatid, naaliw kami sa gitna ng aming hirap at pagkabalisa. Ang pananatili ninyong matatag sa pananampalataya ang nagpasigla sa buhay namin. Paano kaya namin mapasasalamatan nang sapat ang Diyos sa kagalakang dulot ninyo sa amin? Mataimtim naming idinadalangin araw-gabi na kayo’y muli naming makita at matulungan sa ikagaganap ng inyong pananampalataya.
Loobin nawa ng ating Diyos at Ama at ng ating Panginoong Hesukristo na makapunta kami riyan. Palaguin nawa at pag-alabin ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa’t isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo. Kung ito ang mangyayari, palalakasin niya ang inyong loob. Sa gayun, kayo’y mananatiling banal at walang kapintasan sa harapan ng ating Diyos at Ama hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Hesus, kasama ang mga hinirang niya.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 89, 3-4. 12-13. 14 at 17
Pag-ibig mo’y ipadama,
aawit kaming masaya.
Yaong taong nilikha mo’y bumabalik sa alabok
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
Ang sanlibong mga taon, ay para bang isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
Pag-ibig mo’y ipadama,
aawit kaming masaya.
Yamang itong buhay nami’y maikli lang na panahon,
itanim sa isip namin upang kami ay dumunong
hanggang kailan magtitiis na magdusa, Panginoon,
kaming iyong mga lingkod na naghihirap sa ngayon.
Pag-ibig mo’y ipadama,
aawit kaming masaya.
Kung umaga’y ipadama ang pag-ibig mo’t paggiliw
at sa aming buong buhay may galak ang awit namin.
Panginoon naming Diyos, kami sana’y pagpalain,
magtagumpay sana kami sa anumang aming gawin.
Pag-ibig mo’y ipadama,
aawit kaming masaya.
ALELUYA
Mateo 24, 42a. 44
Aleluya! Aleluya!
Lagi tayong magtanod
sapagkat di natin talos
ang pagbabalik ni Hesus.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 24, 42-51
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam kung anong araw paririto ang inyong Panginoon. Tandaan ninyo ito: kung alam lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, siya’y magbabantay at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayong lagi, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na di ninyo inaasahan.
“Ang tapat at matalinong alipin ang siyang pinapamahala ng kanyang panginoon sa ibang mga alapin, upang bigyan sila ng kanilang pagkain sa karampatang panahon. Mapalad ang aliping iyon, kapag dinatnan siyang gumagawa ng gayun sa pagbabalik ng kanyang panginoon! Sinasabi ko sa inyo: pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng kanyang ari-arian. Ngunit kung masama ang aliping iyon, sasabihin niya sa sarili, ‘Matatagalan pa bago magbalik ang aking panginoon,’ at sisimulang bugbugin ang kanyang mga kapwa alipin, at makipagkainan at makipag-inuman sa mga lasenggo. Babalik ang panginoon ng aliping iyon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Buong higpit na parurusahan siya ng Panginoon, at isasama sa mga mapagpaimbabaw. Doo’y tatangis siya at magngangalit ang kanyang ngipin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Sa Ebanghelyo, inaatasan tayo ni Jesus na magbantay sa araw ng kanyang muling pagbabalik. Lumapit tayo sa Ama habang nananalangin, nagbabantay, at naghihintay sa kanyang mahal na Anak.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama ni Jesus, hinihintay namin ang iyong pag-ibig.
Ang Simbahan nawa’y hindi makuntento na lamang sa kanyang mga nagawa na bagkus higit pang ipagpatuloy ang pagpapahayag ng Ebanghelyo ng pagbabalik-loob at isakatuparan ang kinakailangang pagpapanibago, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga komunidad nawa’y maging mga karapat-dapat na lugar para sa pagtatayo ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng ating paggalang, pagmamahal, at pagkalinga sa isa’t isa, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y maging laging handa sa pagdating ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng ating pananatiling gising at hindi natatakot, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at mga naghihingalo nawa’y matagpuan ang kalooban ng Diyos sa kanilang mga pagsubok at pagdurusa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y matagpuang handa sa pakikipagkita sa Panginoon na kanilang matagal nang hangaring makita nang hayagan, manalangin tayo sa Panginoon.
Makalangit na Ama, pakinggan mo ang aming mga panalangin kalakip ang katapatan ng aming mga puso. Tulungan mo kaming lumago sa kabanalan habang naghihintay kami nang may maligayang pag-asa sa pagdating ng iyong paghahari. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.