2,366 total views
Umabot na sa Php4,312,180 ang nalikom ng Caritas Manila na donasyon para sa rehabilitasyon ng mga nasalanta ng bagyong Egay sa hilaga at gitnang Luzon.
Ito ang iniulat ni Nicole Mactal, Disaster Program Officer ng Social Arm ng Archdiocese of Manila sa patuloy na donation drive para sa mga apektado ng magkakasunod na sama ng panahon.
Inihayag ng Caritas Manila na 9,173 pamilya na ang napamahagian ng Manna bags na naglalaman ng suplay ng pagkain.
Sa August 23 ay mamahagi ang Caritas Manila sa 500 Manna bags sa mga apektado ng baha sa lalawigan ng Pampanga.
Sinabi ni Mactal na higit kinakailangan ng mga biktima ng bagyo ang mga construction materials dahil marami sa mga kabahayan ang nasira o tuluyang gumuho.
“Sa ngayon kasi ang naibigay na ng Caritas Manila is puro foods, and ang isa sa mga pinakakailangan kasi nila ngayon atsaka yung mga nakita namin sa different areas affected by the typhoon is shelter assitance kasi mayroon talaga yung mga totaly damage yung na wash-out talaga yung bahay nila “
Sa tala, natulungan na ng Caritas Manila ang mga Diyosesis ng Antipolo, Bangued, Nueva Zegovia, Laoag at Tugegarao na lubhang naapektuhan ng bagyong Egay.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction Management Council, umaabot sa 6.3-billion pesos ang pinsala sa agrikultura at 9.9-billion pesos naman sa imprastraktura ang iniwang pinsala ng bagyong Egay, Falcon at mga nakalipas na sama ng panahon.