1,890 total views
Hinimok ng opisyal ng Vatican ang mananampalataya ng Palawan na alalahanin ang mga ninunong nagpamana ng kristiyanismo sa lalawigan.
Ayon kay Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown, nararapat na pasalamatan ang mga nagpayabong ng pananampalatayang kristiyano makalipas ang 400 taon.
“Think of the people who pass the faith to you, who handed that light to you, imitate their faith, allow that light that they give to you to shine in your lives, walk on the footsteps of those who have gone before you in Palawan for 400 years.” bahagi ng mensahe ni Archbishop Brown.
Pinasalamatan at kinilala ng kinatawan ni Pope Francis sa natatanging pagkakataon ang Augustinian Recollects na kauna-unahang misyonerong naghasik ng binhi ng kristiyanismo sa Cuyo Island noong 1622.
Batid ni Archbishop Brown ang mga sakripisyong inalay ng mga Recolleto lalo’t malaking hamon ang kinakaharap ng mga misyonero kahit noong panahon ni Hesus.
Ikinalugod ng nuncio na makalipas ang apat na sentenaryo ay higit na lumago ang pamayanang kristiyano sa Palawan na sa kasalukuyan ay may humigit kumulang sa isang milyon na pingasiwaan ng Apostolic Vicariate of Puerto Princesa sa Southern Palawan at Apostolic Vicariate of Taytay naman sa Northen part ng lalawigan.
Bago ang misa pasasalamat na pinangunahan ni Archbishop Brown ay nagtipon ang 67 parokya ng dalawang bikaryato kasama ang iba’t ibang sectoral groups at mga opisyal ng Palawan sa isang Prusisyon ng Pasasalamat mula sa Old Airport ng Puerto Princesa patungong Immaculate Conception Cathedral kung saan ginanap ang Banal na Eukaristiya.
Tampok sa prusisyon ang mga imahe nina St. Joseph Husband of Mary, St. Joseph the Worker, St. Augustine, St. Ezeqiel Moreno, Immaculate Conception, at ang Jubilee Cross.
Bukod nina Bishop Socrates Mesiona at Bishop Broderick Pabillo, nakiisa rin sa pagtitipon si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na kasalukuyang pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, Bishop Edgardo Juanich, Surigao Bishop Antonieto Cabajog at Military Bishop Oscar Jaime Florencio.