1,048 total views
Mga Kapanalig, ilang araw bago ang kanyang ikalawang State of the Nation Address (o SONA), nilagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr ang isang kautusang magiging daan daw upang magkaroon ng disenteng bahay ang mga Pilipino.
Idineklara ng Executive Order No. 34 ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program (o 4PH) bilang flagship initiative o pangunahing programang pabahay ng gobyerno. Ipatutupad ito ng Department of Human Settlements and Urban Development (o DHSUD). Inatasan ng pangulo ang lahat ng ahensya ng gobyerno gayundin ang mga lokal na pamahalaang suportahan at makipagtulungan sa DHSUD upang magtagumpay ang pagpapatupad ng 4PH. Gagawin nila ito sa pamamagitan ng pagtukoy ng mga lupang maaaring pagtayuan ng mga proyektong pabahay. Sa tulong naman ng Department of Environment and Natural Resources, ang mga nakatiwangwang na lupang pagmamay-ari ng gobyerno ay maaaring isailalim sa tinatawag na presidential land proclamation upang pagtayuan din ng mga pabahay.
Mabuti ang layunin ng 4PH, lalo na’t target nitong bawasan—kung hindi man burahin—ang tinatawag na housing backlog sa bansa. Sa opisyal na datos ng gobyerno, ang housing backlog sa bansa ay nasa 6.5 milyong units. Ganitong karaming bahay ang kailangang maipatayo upang ang mga walang sariling tahanan ay magkaroon ng matatawag nilang sa kanila. Kaya ang ambisyon ng DHSUD ay ang magtayo ng isang milyong units sa bawat taon sa loob ng anim na taóng termino ng Presidente BBM.
Ngunit kung babalikan ang mga naunang pahayag ng DHSUD at ang mga proyektong inilunsad kasama mismo si PBBM, ang mga ipatatayo ng DHSUD ay mga high-rise building o mala-condominium, katulad ng mga nagsusulputan sa maraming lungsod. Kung ganito lang ang uri ng pabahay na iaalok ng gobyerno, paano naman ang mahihirap na pamilyang hirap na hirap mairaos ang kanilang bawat araw? Kaya naman daw ibaba ng DHSUD sa tatlong-libong piso ang bayad sa mga unit kada buwan, ngunit gaano ito katotoo? Saan kukuha ng pera ang gobyerno? Abot-kaya pa rin ba ito sa mga maralitang tagalungsod? May agam-agam ding gagamitin ang mga ipoproklamang lupa upang pagtayuan ng mga high-rise. Paano kung may mga nakatira nang pamilya sa mga lupang ito? Paalisin ba sila kapag ipatatayo na ng DHSUD ang mga pabahay nito?
Maraming ibang paraan upang mabigyan ng pagkakataon ang mga Pilipinong pamilya, lalo na ang mahihirap, na magkaroon ng sarili nilang tirahan—bahay na abot-kaya, ligtas, at sapat para sa kanila. Nariyan ang tinatawag na Community Mortgage Program (o CMP) na nagbibigay ng murang pautang sa mga komunidad na nais bilhin ang pribadong lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay. Sa mga lupa ng gobyernong isasailalim sa proklamasyon, maaari ding ipamahagi sa kanila ang lupa, saka susundan ng paghahatid ng mga batayang serbisyo katulad ng legal na koneksyon ng kuryente at tubig. Hindi na kailangang magtayo ng matataas na gusali lalo na’t mahal ang magiging mahal ang presyo ng mga unit sa mga ito. Pwede ring bigyan ng sapat na pondo ang mga lokal na pamahalaang nais magtayo ng kani-kanilang proyekto kasama ang mga grupong katulad ng Gawad Kalinga at mga NGO. Maging bukás sana ang DHSUD sa ibang pamamaraan lalo na’t mukhang hindi nito maaabot sa unang taon ni Pangulong BBM ang target na isang milyong unit na gusto nitong ipatayo.
Mga Kapanalig, noong 2015, sinabi ni Pope Francis na walang makapagbibigay-katwiran sa kawalan ng pabahay. Kumakatok sa pintuan ng gobyerno ang mga kababayan nating walang sariling tirahan—kabilang ang mga walang-wala sa buhay, ang mga maralitang kasama sa pinakaaba sa lipunan, gaya ng ipinahihiwatig sa Mateo 25:40. Hindi lahat ay naghahanap ng libreng pabahay, ngunit gawin sana itong tunay na abot-kaya at abot-kamay.
Sumainyo ang katotohanan.