962 total views
Mga Kapanalig, “the era of global warming has ended; the era of global boiling has arrived.”
Iyan ang babala ni UN secretary general António Guterres matapos kumpirmahin ng mga siyentipiko at dalubhasa sa World Meteorological Organization at Copernicus Earth Observation Programme ng European Union na ang buwan ng Hulyo ngayong taon ang pinakamaiinit na buwan on record. Sa mga bansa sa hilaga, ito ang pinakamatinding tag-init o summer. (Kung napanood niyo sa balita, nilamon ng apoy o wildfires ang isla ng Maui sa Hawaii, isang trahedyang pinalubha ng matinding tagtuyot o drought doon.) Sa iba pang bahagi ng mundo, kabilang ang Pilipinas, matitinding kalamidad ang dala nito. (Sariwa pa rin ang pinsalang iniwan ng pinakahuling mga bagyo at habagat sa ating bansa.) Tayong mga tao mismo ang may kasalanan, pagbibigay-diin ng pinuno ng UN.
Ang patuloy na pag-init—at ngayon nga ay pagkulo—ng daigdig ay pinalalalà ng polusyong bumabalot sa himpapawid at nagta-trap sa init mula sa araw. Kung wala ang polusyong ito na binubuo ng tinatawag na mga greenhouse gases, tatalbog pabalik sa kalawakan ang init na dumarating sa ating planeta. Hindi natin nagagawang kontrolin ang pag-init na ito dahil hinahayaan ng mga pamahalaan sa iba’t ibang bansa—lalo na ang mga makapangyarihan—ang patuloy na pagbuga ng greenhouses gases. Marami pa rin ang nakasalalay sa maruming enerhiya—enerhiyang nalilikha sa pamamagitan ng pagsusunog ng coal at petrolyo—sa halip na gumamit ng mas malinis na enerhiya katulad ng init mula sa araw, lakas ng hangin, daloy ng dagat, at iba pa. Sa maruming enerhiya kasi may kikitain ang malalaking kompanyang bumubuhay sa ekonomiya ng malalaking bansa.
Ngunit may pananagutan pa rin—at malaking maiaambag—ang maliliit na bansang katulad ng Pilipinas. Sa isang bansang sagana sa natural na mapagkukunan ng malinis na enerhiya katulad ng init ng araw, hangin, at alon ng dagat, nakalulungkot na malaking bahagi ng enerhiyang ating ginagamit ay mula sa maruming sources katulad ng coal at langis. Ang kuryenteng ginagamit natin, halimbawa, ay mula sa enerhiyang nililikha sa pamamagitan ng pagsusunog ng coal. Noong 2022, 60% ng enerhiyang nilikha para sa kuryente ay mula sa coal.
At patuloy pa ang pagdami ng mga sasakyang gumagamit ng langis na nagbubuga rin ng polusyon. Dito sa Metro Manila, bago pa ang pandemya, 88% na ng mga carbon emissions ay mula sa mga sasakyan. Kahit pa may mas malinis na uri ng petrolyong maaaring gamitin ang mga kotse at motorsiklo, polusyon pa rin ang ibinubuga nito sa hangin. Kapag pumunta ka nga sa mas mataas na lugar o kapag ikaw ay nasa himpapawid, makikita ang maitim ng usok na bumabalot sa Metro Manila.
Sa tindi ng pinsalang dala ng mga kalamidad na pinalulubha ng climate change, dapat lamang na sumama ang Pilipinas sa pagpapanagot sa malalaking bansang may mas maraming greenhouse gases. Ngunit maging huwaran din sana tayo sa paglinang at paggamit ng mas malinis na enerhiya o renewable energy. Gagawin naman daw ito ng gobyerno, bagamat magiging mabagal. Maaari din itong gawin kung pagbubutihin ang pampublikong transportasyon, lalo na sa mga lungsod. Kailangang mahikayat ang marami na huwag nang gumamit ng pribadong sasakyan, bagay na mukhang mahirap magawa kung wala tayong maayos at maginhawang mga tren, bus, at iba pang sasakyang pangmaramihan.
Mga Kapanalig, huwag sana nating hayaang maging isang malaking tambak ng dumi—an immense pile of filth—ang ating planeta, gaya ng binanggit ni Pope Francis sa Laudato Si’. Bilang mga katiwala sa sanilikha, bagay na ipinahihiwatig sa Genesis 2:15, tayong lahat—sa pangunguna ng gobyerno—ay may responsabilidad na hindi lubusang malusaw ang lahat sa kumukulong planeta.
Sumainyo ang katotohanan.