2,451 total views
Naniniwala si Jesuit anti-corruption crusader Fr. Albert Alejo, SJ na ang inisyatibo at adhikain ng bagong lungsad na Mayors for Good Governance (M4GG) ay isang tugon sa krisis ng pamumuno sa bansa.
Ayon sa Pari, kabilang sa krisis na kinahaharap ng bansa ang krisis sa pamumuno hindi lamang sa larangan ng politika at pamamahala kundi maging sa iba pang sektor sa lipunan.
Inihayag ni Fr. Alejo na napapanahon ang inisyatibo ng mga alkalde na nagsusulong ng laban sa katiwalian at kurapsyon sa pamahalaan upang magkaroon ng ganap na pagbabago sa paraan ng pamamahala sa bansa.
“Masayang masaya ako na mayroong mga ganitong pasisikap kasi nga yung buong bayan natin ang daming pinagdadaanan, tapos may krisis, aminin natin may krisis sa leadership sa lahat ng sektor pati sa Simbahan, so laging naghahanap tayo ng mga inisyatibo, mga indibidwal na nagsisikap magkaroon ng pagbabago talaga sa ating lipunan.” Ang bahagi ng pahayag ni Jesuit Priest Fr. Albert Alejo, SJ sa Radio Veritas.
Umaasa naman ang Pari na hindi lamang basta magpadami ng mga kasaping alkalde ang Mayors for Good Governance sa halip ay higit pang pagtibayin ng tunay na pagsasakatuparan ng misyon at adhikain nitong labanan ang paglaganap ng katiwalian at isulong ang maayos, matapat at marangal na pamamahala sa bansa.
Pangamba ni Fr. Alejo ang pakikibahagi at basta lamang pagpirma ng ibang alkalde sa manifesto upang makisawsaw sa adhikain ng inisyatibo.
Ayon sa Pari, naaangkop lamang ang tuwinang pagtalakay sa usapin at kalagayan ng pulitika sa bansa sapagkat ito ay isang etika na isinasakatuparan at ibinabahagi sa lipunan.
Ang Mayors for Good Governance (M4GG) ay isang cross-party network ng mga local chief executives na may iisang adhikain na maglingkod ng buong tapat sa kanilang tungkulin para sa kabutihan ng mamamayang Pilipino.
Sa kasalukuyan umaabot na sa mahigit 100 mga alkalde mula sa iba’t ibang mga lungsod sa Luzon, Visayas at Mindanao ang lumagda ng pakikiisa sa Mayors for Good Governance Manifesto.
Pinangungunahan ang Mayors for Good Governance (M4GG) nina Baguio City Mayor Benjamin “Benjie” Magalong, Isabela de Basilan Mayor Sitti Turabin Hataman, Dumaguete City Mayor Felipe Antonio “Ipe” Remollo, Kauswagan Mayor Rommel Arnado, at Quezon City Mayor Joy Belmonte na pawang magsisilbing convenor ng M4GG.