5,300 total views
Biyernes ng Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
1 Tesalonica 4, 1-8
Salmo 96, 1 at 2b. 5-6. 10. 11-12
Sa Panginoo’y magalak
ang masunuri’t matapat.
Mateo 25, 1-13
Friday of the Twenty-first Week in Ordinary Time (Green)
World Day of Prayer for the Care of Creation
UNANG PAGBASA
1 Tesalonica 4, 1-8
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo
sa mga taga-Tesalonica
Mga kapatid, isa pang bagay ang ipinapayo namin sa inyo sa pangalan ng Panginoong Hesus. Sana’y lalo pang pagbutihin ninyo ang pamumuhay ninyo ngayon — pamumuhay na ayon sa inyong natutuhan sa amin — upang kayo’y maging kalugud-lugod sa Diyos. Batid naman ninyo ang mga aral na ibinigay namin sa inyo buhat sa Panginoong Hesus. Ibig ng Diyos na kayo’y magpakabanal at lumayo sa kahalayan. Dapat maging banal at marangal ang layunin ng sinuman sa kanyang pag-aasawa, at hindi pagsunod lamang sa pita ng laman, tulad ng inaasal ng mga taong hindi nakakakilala sa Diyos. Sa gayun, hindi yuyurakan ninuman ang karapatan ng kanyang kapwa ni pupugayan man ng dangal. Tulad ng sinabi namin sa inyo noon pa at mahigpit na ibinabala, parurusahan ng Panginoon ang gumawa ng ganitong kasamaan. Tayo’y tinawag ng Diyos upang mamuhay sa kalinisan, hindi sa kahalayan. Kaya, ang sinumang humamak sa aral na ito ay humahamak, hindi sa tao, kundi sa Diyos na siyang nagkakaloob sa atin ng kanyang Espiritu Santo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 96, 1 at 2b. 5-6. 10. 11-12
Sa Panginoo’y magalak
ang masunuri’t matapat.
Ang Poon ay maghahari, magalak ang kalupaan!
Lahat kayong mga pulo ay magsaya at magdiwang!
Kaharian niya’y tapat at salig sa katarungan.
Sa Panginoo’y magalak
ang masunuri’t matapat.
Yaong mga kabunduka’y natutunaw, parang pagkit,
sa harapan ng dakilang Panginoon ng daigdig.
Sa langit ay nahahayag yaong kanyang katuwiran,
sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.
Sa Panginoo’y magalak
ang masunuri’t matapat.
Ang lahat ng namumuhi sa masama’y mahal ng Diyos,
at siya ang nag-iingat sa buhay ng mga lingkod;
ililigtas niya sila sa kamay ng mga buktot.
Sa Panginoo’y magalak
ang masunuri’t matapat.
Sa tapat ang pamumuhay ay sisinag ang liwayway,
sa dalisay namang puso maghahari’y kagalakan.
Ang matuwid ang gawain ay galak ang masusumpong,
sa maraming kabutihang ginawa ng Panginoon;
ang ginawa niyang ito’y dapat nating gunitain,
at sa Poon ay iukol ang papuring walang maliw!
Sa Panginoo’y magalak
ang masunuri’t matapat.
ALELUYA
Lucas 21, 36
Aleluya! Aleluya!
Manalanging walang humpay
samantalang hinihintay
si Hesus na Poong mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 25, 1-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Dito maitutulad ang pagpasok sa kaharian ng Diyos: may sampung dalagang lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. Bawat isa’y may dalang ilawan. Ang lima sa kanila’y hangal at ang lima’y matalino. Ang mga hangal ay nagdala ng kanilang mga ilawan ngunit hindi nagbaon ng langis. Subalit ang matatalino’y nagdala ng langis bukod pa sa nasa kanilang ilawan. Nabalam ng dating ang lalaking ikakasal, kaya’t inantok silang lahat at nakatulog.
Ngunit nang hatinggabi na’y may sumigaw: ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Salubungin ninyo!’ Agad nagbangon ang sampung dalaga at inayos ang kanilang ilawan. Sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘Bigyan naman ninyo kami ng kaunting langis. Aandap-andap na ang aming mga ilawan, e!’ ‘Baka hindi magkasiya ito sa ating lahat,’ tugon ng matatalino. ‘Mabuti pa’y pumunta muna kayo sa nagtitinda at bumili ng para sa inyo.’ Kaya’t lumakad ang limang hangal na dalaga. Samantalang bumibili sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay kasama niyang pumasok sa kasalan, at ipininid ang pinto.
Pagkatapos, dumating naman ang limang hangal na dalaga. ‘Panginoon, papasukin po ninyo kami!’ sigaw nila. Ngunit tumugon siya, ‘Sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo nakikilala.’ Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Ipinapaalala ng mensahe ng Ebanghelyo na dapat tayong maging matalino at nagbabantay. Habang ating hinihintay ang pagdating ng Panginoong Jesus, ipanalangin natin ang mundong kanyang iniligtas.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na Panginoon, gawin mo kaming tapat sa paglilingkod sa iyo.
Ang Simbahan nawa’y maunawaan ang mga tanda sa ating panahon at tuwinang mapaalalahanan ang Bayan ng Diyos tungkol sa walang hanggang dimensyon ng buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga kabataan nawa’y manatiling umaasa at puno ng sigla sa buhay. Nawa ang kanilang matayog na adhikain ang siyang maging katig nila sa pagsasakatuparan ng mga dakilang bagay sa buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinanghihinaan ng loob at nabigo sa buhay nawa’y huwag palalimin ang kanilang hinanakit at bagkus kumuha ng panibagong lakas at pag-asa mula kay Kristo na nangako sa atin ng kanyang presensya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at mga naghihingalo nawa’y tumingin kay Kristo nang may pag-asa at may pagbabalik-loob na pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makapiling ng Diyos sa kanyang walang hanggang Kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama ng panahon at ng walang hanggan, ipagkaloob mo ang aming mga kahilingan habang aming hinihintay ang pagbabalik ni Kristo, ang iyong biyaya ng walang hanggang karunungan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.