4,305 total views
Paggunita kay San Juan Crisostomo, obispo at pantas ng Simbahan
Colosas 3, 1-11
Salmo 144, 2-3. 10-11. 12-13ab
Ang Diyos ay mapagmahal,
tana’y pinauunlakan.
Lucas 6, 20-26
Memorial of St. John Chrysostom, Bishop and Doctor of the Church (White)
Mga Pagbasa mula sa
Miyerkules ng Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Colosas 3, 1-11
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Colosas
Mga kapatid, binuhay kayong muli, kasama ni Kristo, kaya’t ang pagsumikatan ninyo ay ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Kristo na nakaupo sa kanan ng Diyos. Isaisip ninyo ang mga bagay na panlangit, hindi ang mga bagay na panlupa, sapagkat namatay na kayo at ang tunay na buhay ninyo’y natatago sa Diyos, kasama ni Kristo. Si Kristo ang tunay na buhay ninyo, at pag siya’y nahayag, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang karangalan.
Kaya’t dapat nang mawala sa inyo ang mga pitang makalaman: pangangalunya, kahalayan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masasamang nasa, at ang pag-iimbot na isang uri ng pagsama sa diyus-diyusan. Dahil sa mga bagay na ito, ang Diyos ay napopoot sa mga taong lumalabag sa kanyang kalooban. Noong una, nang pinaghaharian pa kayo ng masasamang pita, namuhay rin kayong kasama-sama ng mga taong gumagawa niyon.
Ngunit ngayon, itakwil ninyo ang lahat ng ito: galit, poot, at sama ng loob. Iwasan na ninyo ang panunungayaw, at malaswang pananalita. Huwag kayong magsisinungaling sa isa’t isa yamang hinubad na ninyo ang dating pagkatao pati ng mga gawa nito at nagbihis na ng bagong pagkatao. Patuloy itong nababago ayon sa larawan ng Diyos na lumikha sa inyo, upang maging ganap ang inyong kaalaman tungkol sa kanya. Kaya’t wala nang pagkakaiba ang Griego at ang Judio, ang tuli at ang di tuli, ang dayuhan at ang mabangis na tao, ang alipin at ang malaya. Kay Kristo, walang pagkakaiba ang lahat at siya’y sumasalahat.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 2-3. 10-11. 12-13ab
Ang Diyos ay mapagmahal,
tana’y pinauunlakan.
Pupurihin ko’t pasasalamatan ang Diyos araw-araw,
di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman.
Dakila ang Poon, at karapat-dapat na siya’y purihin;
ang kadakilaan niya ay mahirap nating unawain.
Ang Diyos ay mapagmahal,
tana’y pinauunlakan.
Magpupuring lahat sa iyo, O Poon, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin ka’t pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dakila ang ‘yong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila’t makapangyarihan.
Ang Diyos ay mapagmahal,
tana’y pinauunlakan.
Dakila mong gawa’y upang matalastas ng lahat ng tao,
mababatid nila ang kadakilaan ng paghihirap mo.
Ang paghahari mo’y sadyang walang hanggan, hindi magbabago.
Ang Diyos ay mapagmahal,
tana’y pinauunlakan.
ALELUYA
Lucas 6, 23ab
Aleluya! Aleluya!
Magalak kayo’t magdiwang
malaki ang nakalaang
gantimpala ninyong tanan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 6, 20-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, tumingin si Hesus sa mga alagad, at kanyang sinabi,
“Mapalad kayong mga dukha, sapagkat ang Diyos ang maghahari sa inyo!”
“Mapalad kayong mga nagugutom ngayon, sapagkat kayo’y bubusigin!”
“Mapalad kayong mga tumatangis ngayon, sapagkat kayo’y magagalak!”
“Mapalad kayo kung dahil sa Anak ng Tao kayo’y kinapopootan, ipinagtatabuyan at inaalimura ng mga tao, at pati ang inyong pangalan ay kinasusuklaman. Magalak kayo at lumukso sa tuwa kung ito’y mangyari, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit — gayun din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.”
“Ngunit sa aba ninyong mayayaman ngayon, sapagkat nagtamasa na kayo ng kaginhawahan!”
“Sa aba ninyong mga busog ngayon, sapagkat kayo’y magugutom!”
“Sa aba ninyong nagsisitawa ngayon, sapagkat kayo’y magdadalamhati at magsisitangis!”
“Sa aba ninyo, kung kayo’y pinupuri ng lahat ng tao, sapagkat gayun din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Mayaman man o mahirap, lahat tayo ay sama-samang tinatawag ng Diyos bilang kanyang mga anak ng Kaharian. Manalangin tayo sa Ama nang may tunay na puso.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng pagpapala, lingapin Mo kami.
Ang Simbahang dumaranas ng pag-uusig nawa’y patuloy na kumapit sa pananampalataya at tipunin ang lahat sa pagkakaisa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga dukha at mga nangagugutom nawa’y tumanggap ng kanilang kabusugan sa pamamagitan ng tapat na paglilingkod ng ating mga pinuno, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga sumasampalatayang inuusig, iniinsulto, kinamumuhian, at inaabuso nawa’y magbunyi sa kasiyahan ng Kahariang naghihintay sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at mga matatanda nawa’y makadama ng kasiguruhan sa pamamagitan ng ating pag-ibig at pag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y tumanggap ng habag ng Panginoon sa tulong ng ating mga panalangin, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Diyos, pakinggan mo ang aming mga hinaing. Nawa’y ipahayag ng aming buhay ang kaligayahang inihanda mong maging amin sapagkat ikaw ay aming Panginoon, ngayon at magpakailanman. Amen.