2,744 total views
Higit sa 18 milyong mag-aaral ang nakatakdang pumasok sa pagbubukas ng klase sa August 29.
Ayon sa tala ng Department of Education (DepEd), 18,833,944 ang nagpatala para sa taong pampaaralan 2023-2024 kung saan ang may pinakamataas na bilang ay sa Region IV-A na may 3.1 milyon, sunod ang National Capital Region na may 2.3 milyong mag-aaral.
Sa kabila naman ng usapin sa pagitan ng Makati at Taguig sa pinagtatalunang EMBO (Enlisted Men’s Barrio) barangays na sumasaklaw sa 1,500 paaralan na may 30-libong estudyante ay wala namang nakikitang dahilan na maantala ang pasukan.
Sa nagdaang Brigada Eskwela, pinangunahan ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang kampanya para sa pagpapanitili ng kaayusan sa 14 na EMBO schools na sinasaklaw ng lungsod ayon na rin sa desisyon ng Mataas na Hukuman.
“Ang mga programa na nakita naming mahusay na maipapatupad sa Taguig ay buong-buong makukuha ng EMBO residents na ngayon ay Taguig residents. Just trust the transition, trust the school leadership and my leadership in Taguig,” ayon kay Cayetano.
Bukod sa libreng uniporme at gamit sa paaralan, bahagi din ng programa ng Taguig ang pagbibigay ng scholarship sa mga nais na magpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo, masters at doctorate degree.
Maliban sa talaan ng mga mag-aaral, hinihingi na rin ng pamahalaang lungsod sa Makati ang talaan ng mga senior citizen at persons with disabilities na magiging benepisyaryo na rin sa programa ng Taguig.