20,278 total views
Nasa pangangasiwa na ng Department of Education ang 14 na pampublikong paaralan na naapektuhan sa desisyon ng Supreme Court sa territorial dispute sa pagitan ng Makati at Taguig.
Sa pahayag ng DepEd, ito ay upang maiwasan ang kalituhan lalo’t nagsimula na ang pasukan ng mga mag-aaral ngayong araw.
Sa kautusan, ang tanggapan ng kalihim ang mangangasiwa sa mga paaralan habang isinasaayos ang paglilipat ng pamamahala sa pamahalaang lokal ng Taguig.
Kabilang sa 14 na paaralan ang Makati Science High School, Comembo Elementary School, Rizal Elementary School, Pembo Elementary School, Benigno “Ninoy” S. Aquino High School at Tibagan High School.
Kabilang din sa talaan ang Fort Bonifacio Elementary School, Fort Bonifacio High School, Pitogo Elementary School, Pitogo High School, Cembo Elementary School, East Rembo Elementary School, West Rembo Elementary School at South Cembo Elementary School.
Nakiiisa naman sa inilunsad na Brigada Eskwela ang mga magulang, estudyante, guro gayundin si Taguig City Mayor Lani Cayetano.
Ayon naman kay Taguig-Pateros School’s Superintendent Dr. Cynthia Ayles, ang lahat ng 14 school officials ay nakipag-ugnayan na sa Taguig LGU simula pa noong Hulyo para sa maayos na pagbubukas ng klase.
Nanindigan din ang pamahalaang lokal ng Taguig (LGU) na hindi na kailangan ang Writ of Execution para ipatupad ang paglilipat ng mga sakop na barangay na ayon sa Korte Suprema ay saklaw ng hurisdiksyon ng Taguig.
Ayon sa pahayag, hindi sang-ayon ang Taguig sa “initial assessment” na inilabas ng Office of the Court of Administrator (OCA) na nagsasabing kailangan pa ng Writ of Execution para maipatupad ang kautusan ng Mataas na hukuman.
“Being a mere opinion, this statement does not have the force of law and does not bind Taguig. SC itself doesn’t issue opinions. How can OCA issue one? In fact, SC simply noted a similar query from DILG,” ayon pa sa pahayag.