1,736 total views
Mga Kapanalig, inumpisahan ng Senado noong isang lingo ang imbestigasyon sa pagkakapatay ng Navotas police kay Jerhode Baltazar o Jemboy. Napaslang ang labimpitong taong gulang na si Jemboy noong hapon ng ika-2 ng Agosto sa Navotas City habang naghahanda siya at ang kanyang kaibigang pumalaot para mangisda. Inamin ng mga pulis na mistaken identity ang nangyari.
Ayon sa kapatid ni Jemboy na si Jessa, nabaril sa ulo ang kanyang kapatid kaya ito nahulog sa ilog, taliwas sa sinasabi ng mga pulis na tumalon ang binata. Sang-ayon ang kuwento ni Jessa sa autopsy sa katawan ni Jemboy na isinagawa ni Dr. Raquel Fortun, isang kilalang forensic pathologist sa bansa. Paliwanag ni Dr. Fortun, kung hindi nahulog sa tubig si Jemboy, maaaring nakaligtas pa siya dahil hindi agad na nakamamatay ang naging tama niya sa ulo. Nakita rin ni Dr. Fortun na mayroong mga tama ng baril sa kamay ang binata na maaaring tanda ng pag-ilag niya sa mga bala.
Nakasuhan na ang anim na pulis na sangkot sa insidente. Sinibak din ang hepe ng Navotas City Police dahil pinagtakpan niya ‘di umano ang labing-isa pang pulis na may kaugnayan sa kaso.3 Ilan sa mga isyung tinatalakay ngayon sa imbestigasyon ng Senado ay ang pagsusuot ng Navotas police ng body camera na walang baterya, ang pamamaril nila kahit hindi naman nanlaban ni Jemboy, at ang pag-iwan sa kanyang katawan sa ilalim ng ilog nang mahigit tatlong oras.
Makatutulong sana ang kuha mula sa body camera ng mga pulis upang balikan ang mga pangyayari at mapanagot ang mga maysala. Batay naman sa operating procedures manual ng pulisya, ang “lethal approach” o paggamit ng baril, halimbawa, ay ginagawa lamang kung armado, delikado, at nanlalaban ang kanilang aarestuhin. Hindi armado si Jemboy kaya paano siya magiging banta sa buhay ng mga armadong pulis? Dagdag pa rito, sinasabi rin ng manual ng pulisya na kailangang gamutin o dalhin sa pinakamalapit na ospital sa lalong madaling panahon ang mga suspek na masusugatan sa mga operasyon ng pulis.
Gaya ng inaasahan, umani ng batikos ang mga pulis. Para kay Rodaliza, ina ni Jemboy, napakalaking pagkakamali ang ginawa ng Navotas police kaya nanawagan siya ng hustisya. Ipinag-utos naman ni DILG Secretary Benhur Abalos na repasuhin ang standard operating procedures ng kapulisan matapos ang insidente.
Hindi mapapagod na ulit-ulitin ng ating Simbahan ang ikaanim na utos: “Huwag kang papatay.” Walang sinuman o anumang ahensiya ng gobyerno ang may lisensyang pumatay ng taong may dignidad at mahal ng Diyos. Binibigyang-diin din ng mga panlipunang turo ng Simbahang ang paggamit ng dahas, lalo na kung nasa konteksto ng digmaan, ay isang lehitimong depensa kung layon nitong protektahan at tulungan ang mga inosenteng biktima ng karahasan. Samakatuwid, hindi mabibigyang-katwiran ang anumang porma ng karahasang nauuwi sa pagkamatay ng mga inosenteng biktima, dahil sila nga mismo ang dapat na pinoprotektahan kung mangangailangan man ng paggamit ng puwersa.
Sang-ayon ito sa naging panawagan ni Bp. Pablo Virgilio “Ambo” David ng Diyosesis ng Kalookan at pangulo ng CBCP. Noong araw ng libing ni Jemboy, ipinaalala niya sa ating “mga kapatid na pulis” na “hindi kayo ang batas. Mga alagad lang kayo ng batas… Hindi kayo inatasan, binihisan ng uniporme, inarmasan, at binabayaran mula sa buwis ng bayan para pumatay, kundi para magsilbi bilang aming mga tagapagtanggol, tagapag-ingat, at tagapagligtas ng buhay.”
Mga Kapanalig, higit nating kailangang mandigan para sa buhay ng tao sa isang bansang may napapatay dahil lamang sa maling akala. Sumama tayo sa panawagang itigil ang pagpatay. Sumama tayo sa panawagang mabigyan ng hustisya ang lahat ng pinaslang ng mga lingkod-bayang nangakong “to serve and protect.”
Sumainyo ang katotohanan.