2,206 total views
Mga Kapanalig, inutos kamakailan ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte na tanggalin ang lahat ng dekorasyon sa mga silid-aralan sa mga pampublikong paaralan. Inatasan niya ang mga gurong tanggalin ang lahat ng mga nakapaskil na dekorasyon gaya ng mga poster ng mga alpabeto, mga kawikaan, at mga litrato ng mga presidente at mga bayani. Ito raw ay para walang sagabal sa pokus ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral.
Para sa ilan, unnecessary o hindi importante ang kautusang ito ng DepEd. Nakatutulong daw ang ilan sa mga posters at visual aids sa pagtuturo ng mga guro at sa pagkatuto ng mga mag-aaral. Hindi rin daw nakonsulta ang mga guro sa kung ano ang dapat gawin sa mga visual aids at kung ang mga ito ba ay talagang kailangan o hindi.
Sa kabila ng mas marami at mas malalim na problemang kinahaharap ng mga pampublikong paaralan, mas napagtuunan pa ng pansin ng DepEd ang mga dekorasyong pinaghandaan at ginastusan pa ng mga guro. Nariyang taun-taon na lang pinoproblema ang kakulangan sa mga classroom at mga pasilidad katulad ng mga palikuran. May mga gurong umaabot hanggang walong klase ang hinahawakan at may 30 hanggang 50 na mag-aaral sa bawat klase. Problema rin ang mga sira-sirang upuan, hindi sapat na bentilasyon, kulang-kulang na libro, at mga classroom na binabaha sa tuwing lumalakas ang ulan.
Kung ganito ang sitwasyon ng daanlibong mag-aaral sa maraming pampublikong paaralan, ano nga ba talaga ang mga bagay na higit na nakaaapekto sa pokus ng mga mag-aaral—ang mga nakapaskil na dekorasyon sa dingding nga ba o ang kawalan ng maayos na pasilidad at serbisyong pang-edukasyon?
Sa datos ng DepEd, umabot na ng 18.8 milyon ang kabuuang bilang ng mga enrollees para sa pasukang nagsimula ngayong araw. At nasa 159,000 naman ang bilang ng kulang na silid-aralan para sa mga papasok sa mga pampublikong paaralan. Laging pangako ng ating gobyernong tutugunan daw nito ang kakulangan sa mga silid-aralan, ngunit hindi nito maipagagawa ang lahat ng kailangang eskwelahan at silid-aralan dahil hindi sapat ang badyet nito para sa kakailanganing classroom. Walang palyang taun-taon na lamang pinoproblema at tinitiis ng mga guro at mga mag-aaral ang kakulangan sa mga silid-aralan. Nakadidismayang nananatili itong problema kahit na taun-taon namang tumataas ang badyet ng DepEd. Nakalulungkot na sa kabila ng kaawa-awang sitwasyon ng mga guro at mag-aaral sa ating mga pampublikong paaralan, nagawa pang humingi ng DepEd ng 150 milyon pisong confidental funds na gagamitin daw upang labanan ang mga nais humikayat sa mga estudyanteng kalabanin ang gobyerno.
Hindi dapat magbulag-bulagan ang ating pamahalaan sa mga bagay na tunay na nakasasagabal sa pag-aaral ng mga estudyante. Higit na kapakipakinabang para sa mga mag-aaral kung hindi sila nagsisiksikan sa isang classroom, kung kumpleto ang kanilang mga libro, kung maayos ang mga pasilidad, at kung sapat ang sahod ng mga guro. Sa laki ng badyet na ibinibigay sa DepEd, malaki rin ang responsibilidad nitong lutasin ang kakulangan sa mga silid-aralan at iba pang mas malalaking problema sa sektor ng edukasyon. Sa Catholic social teaching na Rerum Novarum, binigyang-diin na trabaho ng estadong tugunan ang mga kagyat na pangangailangan at gawing maayos ang sitwasyon ng mga mamamayan.6 Tungkulin ng pamahalaang isulong ang interes ng publiko at maglingkod tungo sa kabutihang panlahat. Ang pamahalaan ang may pananagutang maglaan ng oportunidad sa bawat mamamayan na mapaunlad ang kanilang buhay, at malaking bahagi nito ang dekalidad na edukasyon.
Mga Kapanalig, sabi nga sa Lucas 12:48, “ang binigyan ng marami ay hahanapan ng marami”, kaya dapat lang na bigyang-prayoridad ng pamahalaan ang mga isyung matagal nang kinahaharap ng ating mga pampublikong paaralan.
Sumainyo ang katotohanan.