2,550 total views
Nagtipon-tipon ang iba’t ibang denominasyon upang manawagan sa pamahalaan at mga korporasyon na panagutan ang nangyayaring krisis sa lipunan at kalikasan ng bansa.
Ayon kay Laudato Si’ Movement Pilipinas national coordinator John Din, mahalaga ang pagtutulungan ng bawat isa upang mapaigting ang panawagang ipagtanggol ang katarungan at kapayapaan sa mga pamayanang lubhang apektado ng development aggression, climate change, at biodiversity loss.
Ang pahayag ni Din ay kasabay ng paglulunsad sa Season of Creation 2023 sa Quezon City Memorial Circle kasama ang mga kinatawan mula sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Ecumenical Affairs (CBCP-ECEA); Philippine Council for Evangelical Churches (PCEC); at National Council of Churches in the Philippines (NCCP).
“We come together to call for justice and peace to flow like a river as we demand accountability from our government leaders and urge them to impose sanctions on concerned government agencies and corporations who have caused irreparable damage to the environment and communities,” pahayag ni Din.
Ibinahagi rin ni Din ang magiging gawain para sa SOC 2023 kabilang na ang weekly Walk for/and with Creation upang mabigayang-pansin ang iba’t ibang usaping pangkalikasan sa bansa tulad ng Mindoro oil pill, Manila Bay reclamation, seabed quarrying, at ang Kaliwa Dam project.
Gayundin ang patuloy na pagbabanta, pang-uusig at pagpaslang sa mga katutubo at tagapagtanggol ng kalikasan.
“From the deteriorating economic conditions, institutionalized corruptions, the persecution, murder and red tagging of environmental and human rights defenders, extrajudicial killings, the suffering of the affected indigenous and poor communities because of reclamations and mining, we hear the cry of the earth and the cry of the poor,” saad ni Din.
Isinasagawa ang ecumenical celebration ng Season of Creation taon-taon upang sama-samang manalangin at tumugon sa hinaing ng sangnilikha, alinsunod na rin sa ensiklikal ng Kanyang Kabanalan Francisco na Laudato Si’ para sa pangangalaga sa nag-iisang tahanan.