2,215 total views
Inaanyayahan ni Father Anton CT Pascual – Executive Director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radio Veritas ang mamamayan na makiisa sa Youth Servant Leadership and Education Program telethon sa ika-31 ng Agosto 2023 simula alas-siete ng umaga hanggang ala-sais ng gabi.
Inihayag ni Fr.Pascual na layon ng telethon na masuportahan ang pangangailangan ng mahigit sa limang libong YSLEP scholar na pinapaaral sa kolehiyo at technical vocational courses sa ibat-ibang bahagi ng bansa ngayong taon ng Social Arm ng Archdiocese of Manila.
“Ito po ay isang napakagandang programa ng Caritas Manila upang atin malabanan ang kahirapan permanently sapagkat naniniwala po tayong education is the best social equalizer, suportahan po natin ang magandang kinabukasan ng mga kabataan sa Caritas Manila YSLEP Program,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Pascual.
Inaasahan din ni Father na sa tulong ng malilikom na donasyon ay magkakaroon ng sapat pondo ang Caritas Manila na makakatulong din sa mga Servant Leadership Training Program na hinuhubog ang mga kabataang mag-aaral ayon sa plano ng Panginoon.
Una naring inanyayahan ng Caritas Manila Scholars Association (CAMASA) ang mga mananampalataya na makibahagi sa YSLEP Telethon.
Ayon kay Susan Gomez – Pangulo ng CAMASA, sa pamamagitan rin ng anumang makakayanang halaga ay mabibigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na maisakatuparan ang kanilang pangarap at maging mabuti at huwarang mamamayan.
“Sana po ma-touch po namin ang lahat ng puso ninyo na magkaroon kayo ng pagtulong sa aming mga scholars, alam niyo po ang edukasyon yan ang nakakahango ng kahirapan ng mga kahirapan,” ayon sa pamayan ng Radio Veritas kay Gomez.
Ang CAMASA ay ang samahan ng mga YSLEP Graduates na tumutulong din sa mga nakakatapos ng pag-aaral sa ilalim ng YSLEP Scholars na magkaroon ng trabaho sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga pribadong sektor.
Tema ng YSLEP TELETHON 2023: BUILDING A HUMANE FUTURE THROUGH SERVANT LEADERSHIP na layuning makalikom ng limang milyong pisong donasyon na ilalaan sa pag-aaral ng mga YSLEP scholars.