2,458 total views
Damhin ang himala at maka-inang presensya ng Mahal na Birheng Maria sa exhibit na inilunsad ng kapanalig na himpilan.Ito ang mensahe ng paanyaya ni Radio Veritas President Fr. Anton CT Pascual sa pagbubukas ng Grand Marian Exhibit tampok ang higit 100 imahe ng Birheng Maria sa activity center ng Fisher Mall sa Quezon City.
Ayon kay Fr. Pascual, ang lahat nawa ng dadalaw sa exhibit ay madama ang pagpapala ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng kanyang inang si Maria.
“Inaanyayahan po natin ang lahat ng mga kapanalig natin dito sa ating napakagandang Marian Exhibit 2023 ng Radio Veritas… Napakaganda po ng ating exhibit. More than a hundred images of Mama Mary, very miraculous and very powerful images of Mama Mary… May you be blessed while you experience the miracle, the power, and the blessing of Jesus Christ through her mother, Mama Mary,” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Pinangunahan ni Fr. Pascual ang ribbon cutting at pagbabasbas sa exhibit kasama ang pamunuan ng Fisher Mall.
Nagpapasalamat naman si Fisher Mall Manager Miladel Ortega sa patuloy na pagtitiwala ng kapanalig na himpilan upang maging katuwang sa mga pagtatanghal bilang pagpapalaganap ng pananampalatayang Kristiyano, at pakikiisa sa pagdiriwang ng pagsilang ng Mahal na Birheng Maria.
“We are all gathered here to celebrate the birth of Blessed Virgin Mary through the Marian Exhibit… It has always been a pleasure for Fisher Mall to be partners with Veritas 846. Thank you for joining us in this momentous event,” pahayag ni Ortega.
Bukas ang exhibit simula alas-10 ng umaga hanggang alas-nuebe ng gabi, at magtatagal hanggang September 8, kasabay ng Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria.
Tinagurian ang Pilipinas bilang Pueblo Amante de Maria dahil sa masidhing pamimintuho ng mga Filipino sa Mahal na Birhen bilang masintahing ina ng Panginoong Hesus at ng sanlibutan.